Advertisers

Advertisers

HUWAG MAGTIWALA KAY TRICKY TSIS BILANG PRESIDING OFFICER

0 107

Advertisers

HINDI kami kumporme na si Tricky Tsis ang presiding officer ng Senado bilang hukuman na lilitis kay Misfit Sara sa mga paratang na inilatag ng Camara de Representantes sa pinagtibay na Articles of Impeachment laban sa kanya. Hindi naging patas si Tricky Tsis sa pamamahala sa Articles na isinumite ng Camara noong ika-5 ng Pebrero.

Mahigit apat na buwan niyang inupuan iyan. Hindi siya kumilos at nagbigay ng iba’t-ibang dahilan na pawang hindi katanggap-tanggap sa publiko. Sa huli, nabisto ang tagong pakay (hidden agenda) na ayaw niya na magkaroon ng anumang paglilitis bilang pagbibigay proteksyon kay Misfit Sara.

Nagbago lang ang isip ni Tricky Tsis ng nakita niya ang tindi ng galit ng sambayanan sa mga kagaguhan niya s usapin ng impeachment trial ni Misfit Sara. Alam niya na hindi siya bibiruin ng civil society community dahil puputok ang mga malalaking mass action bilang protesta sa pagwawalang bahala ni Tricky Tsis at Senado sa impeachment trial ni Misfit Sara.

Hindi nais ni Tricky Tsis na makilala bilang pusakal na kriminal na pumatay sa katarungan ng bansa. Hindi niya nais na isugal ang natitirang dangal (kung mayroon man) para sa mga Duterte. Alam ni Tricky Tsis na wala siyang pag-asa sa 2028 dahil sirang sira ang pangalan at limitado ang mga paraan upang makabawi siya.

Gayunpaman, wala kaming tiwala kay Tricky Tsis sa isyu ng impeachment trial. Tulad ng sinasabi namin sa aming mga nakalipas na kolum, lubhang madulas ang dila, malikot ang isip, at sarili lang ang iniisip ni Tricky Tsis. Siya ang tipong kahit ang lola niya ay ibebenta makuha lang ang gusto. Walang katwiran ng pagtiwalaan ng ganap si Tricky Tsis sa isyu.

Makapangyarihan ang presiding officer ng Senado bilang hukuman dahil siya ang nagpapatakbo ng paglilitis ni Misfit Sara. Bukod sa pamumuno sa bawat pagdinig, siya ang timon na nagbibigay ng mga order (utos), resolusyon, at atas upang ipatupad ang Rules of Procedure ng impeachment trial.

Ang presiding officer ang may poder na kilalanin kung sino ang maaaring magsalita sa tuwing may pagdinig. Siya ang may kapangyarihan ng pagkilala (power of recognition) sa hearing. Siya ang may kapangyarihan na magbagsak ng gavel at walang ibang tao ang maaaring sumaklaw sa kanyang kapangyarihan maliban sa kanya.

***

HABANG tumatagal, lumilinaw ang pakay ng mga nagtutunggaliang pwersa sa impeachment trial ni Misfit Sara. Hanggang maaari, ayaw ng mga kaalyado ni Misfit Sara na magkaroon ng paglilitis ang Senado. Sa pangunguna ni Tricky Tsis, ginawa nila ang lahat ngunit hindi napigil ang paglilitis kay Misfit Sara.

Maselan ang impeachment trial ni Misfit Sara. Delikado ang tayo nila sa paglilitis. Dahil nabuo na ang Senado bilang isang husgado, hindi mapigilan ni Tricky Tsis ang kahihinatnan. Hindi niya kontrolado ang maaaring mangyari habang may paglilitis.

Kapag may paglilitis, may pagdinig, o public hearing. Kapag may public hearing, ilalabas ng Prosecution Team mula sa Camara de Representantes ang mga nakalap na ebidensya. Marami iyon at ano ang isasagot ni Misfit Sara sa mga iyon?

Walang isasagot si Misfit Sara dahil totoo na dinambong ng kampo niya ang pera ng bayan. Ano ang isasagot ni Misfit Sara sa mga pagbabanta niya sa buhay ni BBM, LAM, at Ispiker Martin Romualdez? Ano ang ipapaliwanag niya sa mga bintang na sangkot siya sa palpak at madugong war on drugs ni Gongdi?

Dahil walang isasagot si Misfit Sara sa mga paratang sa kanya, tinangka ni Tricky Tsis at ibang inutil at walang silbing senador na iniwas si Misfit Sara na humarap sa paglilitis. Ayaw nilang isugal ang kapalaran ni Misfit Sara dahil alam nila na bagaman abugado siya, mangmang ito sa mga pasikot-sikot ng batas. Wala siyang nalalaman, sa totoo lang.

May mga aral sa nakalipas na nakalipas na panahon kung bakit hindi nais ni Tricky Tsis at mga kapanalig na humarap si Misfit Sara sa isang paglilitis kahit nabuo ang Senado bilang isang hukuman. Hindi nila gusto na maulit ang nangyari kay Punong Mahistrado Renato Corona nang humarap ito sa paglilitis sa Senado noong 2012.

Naniwala si Corona na may sapat na bilang ang kampo niya para mapawalang sala siya sa Senado. Karamihan sa kanila ay mga senador na kakampi at kaibigan ni GMA, ang kanyang patron kaya nailagay siya sa Korte Suprema.

Pero noong ilabas ang maraming katibayan kontra sa kanya, nagbaligtaran ang mga senador na dapat kumampi sa kanya upang mapawalang sala siya. Hindi panig sa kanya ang mga senador. Sa bandang huli, bumoto sila ayon sa dikta ng kanilang budhi at iniwan si Corona. Tinanggal si Corona sa kanyang puwesto at namatay siya sa atake sa puso noong 2016.

Alam ni Tricky Tsis na maaaring mangyari ang ganito kay Misfit Sara sa sandaling ilabas ang mga ebidensya sa public hearing sa kanya. Wala siyang kawala at tiyak iiwan siya kahit ng mga pinakamatalik na tagasuporta niya. Hind niya hawak ang kalooban ng mga senador sa isyu.

Kaya mas maigi, wala na lang paglilitis. Pero hindi sa kanila ang batas. Malinaw ang probisyon ng Saligang Batas na kailangan may paglilitis. Iyan ang malinaw at hindi nila matatalikuran ito. Hindi maaaring talikuran o tunawin ng Senado ang Articles of Impeachment na isinumite ng Camara de Representantes sa kanila.

Kailangan husgahan ng Senado kung may kasalanan o wala si Misfit Sara sa mga bintang na inilatag sa kanya ng Articles of Impeachment. Kung hindi kikilos ang Senado, maaari itong pagbintangan ng paglabag sa Saligang Batas, ayon sa paglilinaw ni Kiko Pangilinan, isa sa mga senador na bubuo ng Senado ng Pang-Dalawampung Kongreso.

Pinagalitan ni Tito Sotto, dating Senate President, si Tricky Tsis dahil sa mga desisyon na kanyang ginawa ng walang konsultasyon sa ibang senador. Hindi tama na si tricky Tsis lang ang nagpapasya sa mga sensitibong bagay na hinaharap ng Senado, aniya.