Advertisers

Advertisers

MGA TRAHEDYA SA HIMPAPAWID: ALAALA AT ARAL

0 10

Advertisers

ISANG trahedya ang yumanig sa buong mundo nitong Huwebes — ang pagbagsak ng Air India Flight AI-171.

Nangyari ito ilang minuto lamang matapos itong lumipad mula sa paliparan sa Ahmedabad, India.

Patungong London ang eroplano na may sakay na 244 katao.

Isang pasahero lang ang nakaligtas. Isa itong napakalungkot na pangyayari na nag-iwan ng sugat sa puso ng bawat pamilyang nawalan, at naghatid ng malalim na dalamhati sa buong sambayanan ng India at United Kingdom (UK).

Mabilis na nagpahayag ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dala ang taos-pusong simpatiya ng mga Pilipino.

Sa kanyang mensahe, ipinabatid niya ang pagkakaisa ng Pilipinas sa India at sa UK sa oras ng trahedya at pagdadalamhati.

Kaya sa mga ganitong pagkakataon, nawawala ang hangganan ng mga bansa, lahi, o relihiyon. Ang pagkakaisa sa sakit at panalangin ay siyang tunay na nagpapakita ng ating pagkatao. Sinasabing sa likod ng trahedya, naipapaalala sa atin kung gaano kahalaga at kasagrado ang buhay—at kung paanong sa isang iglap, maaari itong mawala.

Hindi ito ang unang beses na tumigil ang mundo at nanangis dahil sa pagbagsak ng isang eroplano.

Noong 2014, isang eroplano ng Malaysia Airlines ang misteryosong nawala habang patungong Beijing at hanggang ngayon, hindi pa lubos na natutukoy kung saan ito bumagsak.

Taong 2009, isang flight ng Air France mula Rio de Janeiro patungong Paris ang bumagsak sa gitna ng Atlantic Ocean na ikinasawi ng mahigit 200 katao.

Sa India rin naganap ang isa sa pinakamalalang salpukan ng mga eroplano sa himpapawid noong 1996, na kumitil ng halos 300 buhay.

Sa Japan naman noong 1985, bumagsak ang isang flight ng Japan Airlines sa kabundukan na isa sa mga pinakamalalang aksidente sa aviation history.

Dito sa ating bansa, hindi kailanman malilimutan ang pagbagsak ng eroplano ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1957—isang trahedyang nagdulot ng pambansang pagluluksa at nagmarka sa kasaysayan.

Ang mga sakunang ito ay patuloy na nagpapaalala sa atin na gaano man tayo kaunlad, gaano man tayo kahanda, may mga pangyayaring hindi natin kayang pigilan.

Ngunit hindi ito dahilan para mawalan tayo ng pag-asa. Sa halip, ito’y dapat magsilbing hamon upang higit pang pagbutihin ang mga hakbang para sa kaligtasan, lalo na sa larangan ng transportasyon.

Gayundin, sa mga ganitong pagkakataon ay nasusubok ang ating pagkakaisa bilang mga tao.

Sana ay manatili sa ating puso ang kahalagahan ng buhay—na ito ay hindi lamang isang paglalakbay, kundi isang tungkuling may kasamang pananagutan.

Pananagutan hindi lamang ng mga piloto, ng mga airline, kundi pati ng mga pamahalaan at institusyong dapat nagsisiguro sa kaligtasan ng bawat mamamayan.

Sa mga naiwan ng mga biktima ng pagbagsak ng Air India Flight AI-171, nakikiramay ang buong mundo, kabilang ang Pilipinas.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.