Advertisers
Kapuri-puri ang bilis ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) sa pagtugon sa aksidenteng nangyari kelan lamang sa NAIA Expressway (NAIAx).
Ito ay nang masugatan ang isang student pilot matapos na mabagsakan ng isang tipak ng semento habang lulan ng kanyang minamanehong SUV sa isang bahagi ng Skyway sa NAIAx sa Tambo, Paranaque City kamakailan lamang.
Agad na isinugod sa ospital ang nasabing estudyante matapos makalabas sa itim niyang SUV na nayupi nang husto at nawasak ang windshield.
Sa paunang imbestigasyon ng Skyway marshalls ay lumalabas na binabagtas ng student pilot ang ilalim ng NAIA Expressway at Skyway patungo ng MIA Road dakong alas-12 ng tanghali nang biglang bumagsak ang isang tipak ng semento sa di pa malamang kadahilanan.
Sa pahayag naman ng Skyway O&M Corporation, operator ng NAIA x, ang nangyari ay isang ‘freak accident’ at sila ay nakikipag-ugnayan na ngayon sa mga lokal na awtoridad at maging sa pamilya ng apektadong estudyante upang maibigay ang lahat ng assistance na kinakailangan nito.
“While this appears to be an isolated and highly unusual incident, our maintenance teams are now conducting a thorough inspection of the NAIAx carriageway to ensure there are no similar risks in the area,” anang NAIA x operator sa isang pormal na pahayag kaugnay ng insidente.
Tinitiyak naman ng NNIC na seryoso nilang pinag-aaralan ang insidente upang matiyak ang tuloy-tuloy na kaligtasan ng mga gumagamit ng nasabing daan.
Habang isinusulat ito, naiulat nang nagpahayag ang NNIC ng kahandaan na sagutin ang lahat ng dapat sagutin para sa kapakanan ng nasabing estudyante.
Ganito rin kabilis ang pag-ako sa responsibilidad na ginawa ng NNIC nung may sumadsad na SUV sa departure area ng NAIA Terminal 1 kamakailan lang.
Walang may kagustuhan ng mga nangyaring ito pero sa kabila niyan ay inako pa rin nang buo ng NNIC ang responsibilidad, kesa makipagturuan pa kung sino ang dapat na managot.
Alam naman natin na ‘yan ang uso sa pamahalaan. Ang magpasahan ng sisi. Buti na lamang at hindi ganyan ang NNIC.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.