Advertisers

Advertisers

2 ‘killers’ ng bebot sa Valenzuela, timbog

0 28

Advertisers

Nadakip ang dalawang suspek na sangkot sa pagpatay sa 34-anyos na babae habang patuloy pa ang pagtugis sa isa pa nilang kasabwat sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police OIC P/Col. Relly Arnedo ang mga naaresto na sina alyas “Jun-jun”, ng Tampoy St., Brgy. Marulas; at alyas “Charlie”, na driver umano ng motorsiklo habang pinaghahanap pa ang itinuturong na gunman na si alyas “Jeff”.

Nabatid na 5:55 ng hapon, noong Huwebes nang pagbabarilin ng isa sa dalawang sakay ng isang motorsiklo si Jennelyn Ramos, ng Brgy. Marulas sa kanto ng F. Bautista St., at McArthur Highway, Brgy. Marulas na nagresulta kanyang agarang kamatayan sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.



Sa pahayag sa pulisya ni alyas “Anthony”, 42, dating kinakasama ng biktima, ginastos at hindi umano nai-remit ng biktima sa isang alyas “Buchoy” ang drogang nagkakahalaga ng P25,000 noong Mayo 3.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, huling nakita ang biktima sa kuha ng CCTV ng kalapit na establishemento sa lugar na kasama nito si alyas “Jun-Jun ” subalit, nang puntahan ito ng mga pulis sa kanyang bahay ay hindi siya natagpuan.



Nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis mula sa mga kaanak ni ‘Jun-jun’ na gusto umano nito sumuko kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Col. Arnedo na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Sa isinagawang interogasyon, inginuso ni Jun-jun sa mga pulis ang kanya umanong mga kasabwat na sina ‘Jeff’ at ‘Charlie’, na kapwa nagtatago sa Northville, Barangay Canumay West.



Sa isinagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ng Valenzuela Police at District Special Operations Unit, nagresulta sa pagkakadakip kay Charlie.

Inihahanda na ang kasong murder laban sa mga naarestong suspek habang patuloy ang follow-up operation para madakip ang isa pang kasama ng mga ito.(Beth Samson)