Advertisers
Naharang ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs Port of NAIA (BOC-NAIA), PNP Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang 10 inabandonang papasok na parcels na naglalaman ng marijuana o kilala rin bilang’kush’ na itinatayang nagkakahalaga na P8,554,500.
Naganap ang malakihang operasyon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, NAIA Complex, Pasay City noong Hunyo 13, 2025, kasunod ng pag-alerto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa mga kahina-hinalang parcels.
Ang mga parcels, na ipinadala mula sa iba’t ibang address sa Thailand, ay na-flag sa X-ray screening na isinagawa ng mga tauhan ng BOC-NAIA sa pamumuno ni Atty. Yasmin Mapa.
Ayon kay Mapa, sa karagdagang inspeksyon gamit ang isang narcotics detection dog (K-9 “Magnus”) ay nakumpirma ang pagkakaroon ng ilegal na droga. Ang manu-manong inspeksyon ay nagsiwalat ng may kabuuang 5,703 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nakatago sa mga bagay na maling idineklara bilang tsaa, pinatuyong prutas, laruan, damit, at iba pang pang-araw-araw na gamit.
Napag-alaman kay Dr. Mark Jhon Almase, Customs deputy collector for passenger services sa NAIA, na ang mga kontrabando ay wastong namarkahan, nakuhanan ng larawan, at inimbentaryo sa presensya ng isang kinatawan ng media at isang opisyal ng barangay. Ang mga nasamsam ay itinurn-over sa PDEA para sa disposisyon at imbestigasyon.
“Ang operasyong ito ay nagbibigay-diin sa pagiging epektibo ng tuluy-tuloy na inter-agency na koordinasyon at ang mahalagang papel ng proactive intelligence sa pagbuwag sa transnational drug smuggling efforts,” sabi ni PNP-AVSEGROUP Director PBGen Christopher Abecia. (Jerry Tan/Alex Mendoza)