Advertisers
CUARENTA y sais anyos na bugbog nang katawan at isipan.
Nagbabalik kuwadradong lona ang boxing icon ng Pilipinas na si Manny ‘Pacman” Pacquiao- natatanging boksingero na bumigwas ng 8 world division title na mahirap nang lagpasan ng iba pang world boxing champion sa kasalukuyan.
Sasabak ang retirado na sanang si Pacquiao kontra isang seasoned welter champion na si Mario Barrios mula Texas sa Hulyo 19 , 2025 sa MGM Grand , LAS Vegas, Nevada, USA.
Ang buhay na alamat na si MP ay galing sa pagkatalo mula sa unknown fighter na si Cuban Yordenis Ugas sa larangang nagdulot ng rangya sa buhay ng Pinoy legend kasunod nito ang pagkabigong mahalal muli bilang Senador ng Republika nitong nakaraang midterm elections.
Malaki ang nawala sa pagkatalo ni Pambansang Kamao sa aspetong pinansiyal na bagama’t di pa natutuyo ang balon ay kailangan na niya ng malakas na buhos ng ulan upang mapigilan ang tagtuyot sa kanyang cuarta moneda.
Ang daming kaluluwang buhay ang umaasa sa kanya.
Kailangan niya ang isa pang bigwasan sa ring kontra katunggaling di naman popular na kampeong si Barrios pero lumaki at paldo ang pitaka dahil makakaharap niya si Pacman.
Katulad din ni Pacquiao na sina Muhammad Ali,George Foreman,Mike Tyson at iba pang dakila ngayong henerasyon na nagtangkang bumslik sa ring , may nagtagumpay pero mas marami ang nabigo.
Gaya nila, hinahanap ni Pacman ang nakatutulig na sigawan sa boxing arena, inaanunsiyo ng ring announcer ang kanyang pangalan at iwinawagayway ang bandila ng Pilipinas.
Balakid sa kanyang misyon si Barrios at ang father time pero determinado si Pacquiao na itala ang kasaysayan na siya rin ang may tangan at ang bagong record na na pinakamatandang boxing champion sa mundo. (Danny Simon)