Advertisers
Ito ang pagtiyak ng bagong upong Regional Director ng Bureau of Jail Management and Penology – National Capital Regional Office (BJMP-NCRO) Chief Supt. Noel Baby Montalvo kaugnay sa paglipat kay expelled Negro Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr., sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa in Taguig matapos na ipag-utos ng korte sa Manila.
Ang Metro Manila District Jail ay nasa ilalim ng BJMP-NCRO.
Nitong Hunyo 9, 2025, inilipat si Teves matapos na ibasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 51 ang apela ng kampo ni Teves na panatilihin siya (Teves) sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Simula nang dumating sa bansa si Teves noong Mayo 28, mula Timor-Leste, siya ay nakadetine sa pasilidad ng NBI sa Muntinlupa.
Ayon kay Montalvo matapos ang pagsasalin sa kanya bilang bagong hepe ng BJMP-NCRO nitong Lunes, Hunyo 16, mahigpit na ipinag-utos ni BJMP Chief, Director Ruel S Rivera, na panatilihin ang pantay-pantay na pagturing sa mga persons deprived of liberty (PDL) – sila man ay may dating katungkulan sa pamahalaan tulad ni Teves.
“Tinitiyak ko na walang VIP treatment kay Teves. The treatment to him will be the same to others (PDL). Although mas mataas ng konti ang level ng security sa kanya – it will be tighten pero definitely walang VIP treatment sa kanya – bawal iyan sa BJMP,” pahayag ni Montalvo.
Samantala, ang ginanap na okasyon ay sinaksihan naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersectary Seferino Barreto bilang representante ni DILG Sec. Jonvit Remulla.
Si Montalvo ay isa lamang sa mga opisyal na nabigyan ng mas mataas na katungkulan at pananagutan sa ahensya.
Sa talumpati ni Barreto, ipinaalala niya sa mga bagong upong opisyal sa kani-kanilang bagong posisyon at responsibilidad na igalang ang kanilang mga tauhan maging ang mga PDLs.
“Kung hindi sa inyong mga tauhan, wala kayo ngayon sa inyong posisyon – hindi niyo kayang abutin iyan ng mag-isa. Maging ang mga PDLs, dahil sa kanila kaya nandyan kayo,” pagpapaalala ni Barreto.
“Ang mga PDL ay hindi alipin. Tigilan na ang estilong pagtawag ng “Tata” sa inyo. Tigilan na ang pag-aalaga ng “trustees”. Tulungan natin sila,” ayon pa kay Barreto.
Pinaalalahanan din ni Barreto ang mga opisyal na ang mga PDL ay kailangan Paglingkuran, Damayan at Lingapin.