Advertisers
Sa isang kisap mata, hindi mapanghahawakan ang lumang kaalaman sa paggamit ng teknolohiya sa nagaganap na pag-ibayo ng pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI) sa bansa. Malayo ang narating ng pag-unlad ng teknolohiya higit sa paglabas ng tinatawag na gadget/s upang makasagap ng mga bagong kaalaman. Hindi sumagi sa isip na mawawalang halaga ang paggamit ng mga encyclopedia na gamit sa pagsasaliksik sa mga kaalaman na malalim ang ibig mabatid. Sa kasalukuyang panahon literal na wala na sa sirkulasyon ang banggit na aklat at nasa dulo ng daliri ang ibig malaman. Sa totoo lang, mapapansin ang pagdami ng mga pumapasa sa mga pagsusulit galing sa mga lalawigan, sa anong dahilan. Ang info tech. at ‘di na sentro ng kaalaman o kagalingang kaMaynilaan sa paglago ng banggit na gamit.
Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman sa nabatid na malayo na ang narating ng bansa sa larangan ng teknolohiya maging sa usapin ng AI. Subalit nangibabaw ang lungkot ng mabatid na malaki ang ibabawas sa usaping paggawa sa loob ng ilang taon. Bababa ang bilang ng mga mawawalan ng trabaho sa tinatawag na Business Process Outsourcing (BPO) na aabot sa 300,000 kumpara sa makakalap o magkakaroon na 100,000. Di ba masakit sa dibdib ang pagdami ng mawawalan ng hanap-buhay sa bansa sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng komunikasyon na isinusulong sa mundo. Sa totoo lang, napansin ang pagkawala ng maraming obrero ng magsara ang RCPI at tulad na negosyo na tila winalis ng ma-uso ang text messaging. Ganun din ang mga pulang telepono o phone booth na gamit sa ligawan ng mga binata’t dalaga.
Sa ganang akin ang pagbabagong tinatamasa sa kasalukuyan ay naka dibuho upang maiwan ang uri ng manggagawa. Ang pag-unlad na nagbabawas ng lakas paggawa sa halip na lumikha ng hanap buhay sa panig ng obrero. Tulad ng banggit sa una, negatibong kinalabasan o epekto kumpara sa pakinabang na inaasahan. O’ Ito’y dibuho sa pagpapaliit ng bilang ng tao sa mundo tulad ng kaganapan sa paggamit ng produktong pang giyera, tulad ng armas nukleyar. Ganap na nakakabahala, dahil sa tuwirang epekto sa kabuhayan ng karaniwang tao. Sa napipintong pagbaba ng bilang ng lakas paggawa, dapat tanggapin na sa halip na pakinabang ang dulot ng teknolohiya delubyo ang dulot sa pag-unlad na ibig. Hindi inaayawan ang pagbabago’t pag-unlad ngunit isa puso at maging makatao ang ibig na layon.
Mabigat ang pasanin ng karaniwang tao sa mga pagbabago na kalakip ang pag-unlad na una ang tama sa pakinabang. Sa pagbabagong mga naganap sa mundo, karaniwang ang pasanin sa tao, huli ang pakinabang. Hindi maalis sa isip sa panahon ng pag-ahon ng industriya, pangalawa o huli ang kagalingan ng mga manggagawa sa pagbabagong ibig. Sa halip, magmumula sa hanay ng manggagawa ang kagalingan ibig na ‘di ibig o pansin ng mga namumuhunan. Walang puwang ang pag-unlad ng mga obrero sa mundo ng pagawaan. Una ang kita at balik puhunan bago ang sa mga manggagawang. At tulad ng kaganapan sa politika ng bansa, si Inday Siba muna at huli si Aling Juliana o si Mang Juan.
Sa isang talakayan na pinuntahan hinggil sa AI, ‘di sang-ayon sa banggit ng pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas na magpapantay ang tindig ng mga maliliit at malalaking kumpanya sa paglakad ng panahon na ipina-iiral ang AI. Maging sa tinatanaw na pagbubukas ng kurso hinggil sa AI sa pamantasan na maaring daluyan ng pagiging pantay ng negosyo na gumagamit o gagamit ng AI. Sa tindig na ‘di sang-ayon, sa kadahilanang tumatakbo na ang programa sa AI ng mga malalaking kumpanya samantalang sa maliliit na mamumuhunan, tindig pag-alam, pagbatid o pag-aaral ang gagawin. At sa panahon na umaangat ang kaalaman ng mga pangalawa, ang pagpapalit ng mga bagong teknolohiya at kaalaman ang gawa ng una sa banggit na usapin.At sa panahong banggit, muling ‘di mag-aabot sa kadahilanang pangangailangan na sa harap.
Sa totoo lang, hindi tutol o tinututulan ang mga pagbabagong may pag-unlad higit may pakinabang ang karaniwang tao na ‘di alam ang kung saan tatakbo sa oras de peligro. Ang kaganapan sa ibang bahagi ng mundo kung saan tila patungo sa digmaang pandaigdig ang patutunguhan. Ang kagalingan teknolohiya na sangkalan sa kagalingan ang siya ngayong gamit na pumupuksa sa karaniwang tao. Ang maipakita ang lakas ng isang bansa higit sa digmaan gamit ang mga makabagong sandata na pinatatakbo ng mga bagong teknolohiya ang kalamangan na pansin sa mga kaganapan. Ang masakit ang tulad nina Mang Juan at Aling Juliana at mga anak ang ganap na apektado ng labanan na ‘di nila gawa.
Ang pag-unlad na ‘di dama ng karaniwang tao ang pinakamasakit na aspeto ng pagbabago na hapis ang dulot sa halip na pakinabang. Sa pagsunod sa pagbabagong hatid ng teknolohiya’y kaabang – abang ngunit ang kawalan pakinabang sa nakakaraming mamamayan ang ‘di tanggap. Tunay na kailangan ng mabilis at maayos na ugnayan ngunit ang maiayos ang tunay na pangangailangan ni Mang Juan ang tuunan ng pansin ‘di lang ng akademiya higit ng pambansang pamahalaan. Ang matagal na pagtitiis ni Mang Juan sa kakarampot na iuuwi mula sa pabrika, sa bukirin ang higit bigyan pansin. Maari ba?
Bilang panghuli, hindi nagpapabaya si Mang Juan na bantayan ang kalikasan at ang kapaligirang ginagalawan. Nariyan na nagpapaabot ng mga kaganapan sa pamahalaan maging sa mga lugar kaalaman ngunit o tila naduduhagi sa pagpapaabot sa ngalan ng pag-unlad. Maraming kaganapan sa mundo maging sa bansa na higit na binibigyan pansin ang pagkamal ng kita o salapi kontra sa kagalingan ng bayan o lugar. Subukang silipin ang kaganapan sa isang bayan sa Palawan, sa Munisipyo ng Balabac kung saan ang usapin ng mga katutubo sa paninirahan ang nakataya ngunit ‘di pansin ng pamahalaan dahil sa ngalan ng negosyo sa banggit na lugar. Hindi minamali ang pagtatayo ng Negosyo ngunit ang maisantabi ang tunay na naninirahan, ang mga katutubo sa lugar sa ngalan ng pag-unlad ang maling hakbang na ‘di matanawan ng pamahalaan.
Mahalaga ang usapin ng AI subalit huwag isawalang bahala ang epekto sa karaniwang tao, higit ang kawalan ng hanap buhay ng nakakarami. Mahalaga ang pag-unlad at umaasa na sa pag-unlad na ibig maging malaki ang pakinabang kina Mang Juan, Aling Juliana at ng karaniwang tao.
Maraming Salamat po!!!!