Advertisers
HINDI nakakasiguro si Tricky Tsis sa Senado. Nanganganib ang kanyang liderato. May namumuong tensyon sa Senado at maaari siyang mapalitan bilang pangulo ng Senado sa sandaling magbukas ang Kongreso. Maaaring magbago ang ihip ng hangin at tuluyan siyang masibak at malaglag.
Huwag maniwala kay Joel Villanueva na may 13 senador na kampi sa kanya. Opinyon lang ni Joel iyon at walang batayan ang opinyon niya. Balimbing si Joel at kung natatandaan ninyo, kahit siya ang bumaligtad noong una siyang tumakbong senador noong 2016.
Magkaibigan sila ni PNoy noong mga panahon na iyon dahil nagkasama sila sa Camara de Representante. Nang nahalal bilang pangulo, hinirang ni PNoy bilang hepe ng TESDA. Ito ang break niya sa pulitika.
Hindi pa ito tapos. Pinulot at isinama ni PNoy sa tiket ng Liberal Party sa mga tumakbo sa Senado noong halalan pampanguluhan ng 2016. Wala sanang problema doon, pero nang nakita ang pag-angat ni Gongdi sa survey, nakita ang tunay na kulay ng salawal ni Joel.
Kasama ang kanyang ama na si Eddie, ang lider ng Jesus is Lord (JIL), nagpunta sila sa Davao City noong Marso, 2016 at nagmano kay Gongdi na tumatakbo noong bilang pangulo laban kay Mar Roxas, ang kandidato ng LIberal Party, at Grace Poe, ang kandidato ni Tricky Tsis noon. Sa maikli, bumalimbing si Joel.
Hindi dito natatapos ang kuwento. Nang naging pangulo si Gongdi, isa si Joel sa mga senador na sumuporta sa madugo pero palpak na war on drugs ni Gongdi. Tingnan ang record ni Joel at makikita na pumayag siya sa malawakang patayan, o EJKs, ng mga pinaghinalaang adik at tulak ng bawal na gamot. Hindi siya pumalag kay Gongdi. Sunod-sunuran siya.
Kaya ano ang katwiran na paniwalaan si Joel na sa aming opinyon ay isang pekeng Kristiyano na kumampi kay Gongdi na isang mamamatay tao? Hindi pa rin tapos ang usapan dito. Kasama ni Joel na kumampi kay Tricky Tsis ang ibang patapon na senador tulad ni Robin, Bato, Imee, at Bong Go. Kaya bakit siya papaniwalaan?
Hindi pa dito natapos ang isyu ng liderato ng Senado. Noong Miyerkoles, nagparatang si Migz Zubiri kay Tricky Tsis bilang isang “diktador” na hepe ng Senado. Iginiit Ni Tricky Tsis ang baluktot na interpretasyon ng Saligang Batas hinggil sa panukalang kagyat na litisin si Misfit Sara ng Senado bilang hukuman.
Kalakip ng batikos ni Zubiri ang parinig na hindi batay sa matibay na batayan sa Konstitusyon ng bansa ang interpretasyon ni Tricky Tsis. Mas maganda ay suportahan si Tito Sotto bilang kapalit ni Tricky Tsis.
Inilihis ni Tricky Tsis ang Articles of Impeachment na isinumite ng Camara de Representantes noong Pebrero at inupuan ni Tricky Tsis sa nakalipas na apat na buwan. Hindi tuwiran sinabi ni Zubiri na makiling kay Misfit Sara ang posisyon ni Tricky Tsis. Ngunit ganoon na rin iyon.
Hindi pa malinaw sa ngayon ang kampihan ng mga bloke sa Senado. Maaaring luminaw ito sa susunod na dalawang linggo, o bago ang SONA ni BBM na nakatakda sa ika-28 ng buwan na ito. Ihahalal ng mga senador kung sino ang kanilang Senate President sa ika-20 Kongreso ng bansa. Ang masasabi namin – hindi nakakasiguro si Tricky Tsis na siya ang ihahalal at mananatili.
***
NGAYON, lumantad na si Tito Sotto, Migz Zubiri, at Ping Lacson bilang mga senador na sumusuporta sa bagong Senate President kapalit ni Tricky Tsis, palaisipan sa amin kung sino ang susunod. Iba ang political dynamics sa Senado. Kahit 24 lang ang kasapi sa Senado, iba ang tingin ng bawat senador sa kanilang sarili.
Hindi sila kakikitaan ng kababaang loob at pakiwari sa sarili ng bawat isa ay kuwalipikado sila na sumunod bilang pangulo. Presidential timber ang bawat senador. Hindi lang nawari kung anong uri ng kahoy ang bawat senador. Sa kalidad ng Senado, Hindi maiiwasan na masuka ang isang nagmamatyag. Santambak na mga patapon at pipitsugin.
Ang tanong: Ano ang maaasahan kung magpalit ng liderato ang Senado at tuluyang masibak si Tricky Tsis? Hindi ito malalim na tanong at sa ganang amin, may matwid na mag-iiba ang takbo ng Senado. Tuluyang maglalaho ang impluwensya ni Misfit Sara at magkakaroon ng isang bukas, malaya, masigabo, at patas na paglilitis kay Misfit Sara.
Tuwirang lalabas ang mga ebidensya kontra kay Misfit Sara at tahasang papanagutin siya sa mga paratang sa kanya. Hindi habambuhay magtatago si Misfit Sara. Kailangan sagutin niya ang bawat paratang sa kanya. Ito ang gusto ng mga taga-usig mula sa Camara – ang bukas, malaya, at patas na paglilitis. Hindi madidismiss ang kaso ni Misfit Sara.