Advertisers

Advertisers

MARCOS, HINIMOK NI ZUBIRI NA MAGLABAS NG POSISYON VS ONLINE GAMBLING

0 22

Advertisers

HINIKAYAT ni Senator Migz Zubiri si Pangulong Bongbong Marcos na maglabas na ng posisyon kaugnay sa isinusulong na total ban sa online gambling.

Naniniwala si Zubiri na malaking bagay ang magiging posisyon ng presidente laban sa online gambling tulad noong ipagbawal ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang e-sabong at nang ipagbawal ni PBBM ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Aminado si Zubiri na kailangan ng political will at magpakita ng “great leadership” ng pangulo para labanan ang online gambling lalo’t maraming malalakas at mayayaman sa lipunan ang tatamaan.



Tiyak aniyang maraming kaibigan ang pangulo na masasagasaan kaya dapat na harapin ito ng gobyerno nang walang takot at pagpabor.

Kaugnay dito ay aapela rin si Zubiri na maisama sa priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang “Anti-Online Gambling Act of 2025”.



Sinabi ng senador na hindi “worth it” ang social cost o negatibong epekto ng online gambling sa kabuuan dahil nariyan aniya ang pagbagsak ng consumerism, pagbaba ng energy use, at pinakamatindi ay ang pagdami ng mga krimen kaugnay sa online gambling.
Isinusulong ni Senator Zubiri ang tuluyang pag-ban o pagbawal sa online gambling sa bansa.

Tinawag ni Zubiri na isang “silent epidemic” ang online gambling na tahimik na nagpapahamak sa mga Pilipino lalo na sa mga kabataan.



Sa Anti-Online Gambling Act of 2025 na inihain ni Zubiri, ipagbabawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa kabilang na rito ang digital betting platforms, mobile applications at websites na pumapayag na pumusta o tumaya ang mga tao sa pamamagitan ng cellphone, tablets, at computers.

Saklaw ng panukala ang ban sa local at offshore-operated gambling sites na tumatarget sa mga Pinoy user.

Inaatasan din ang lahat ng Internet Service Providers (ISPs), mobile network operators, at digital platforms na i-block ang access sa mga gambling website at pinaaalis din ang mga kaparehong apps sa loob ng 72 oras mula nang magpadala ng notice ang Department of Justice (DOJ) o Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Pagbabawalan din sa pagsasagawa ng transaksyon kaugnay ng online gambling ang mga digital wallets at payment service providers tulad ng credit cards, GCash, Paymaya at iba pa.
Samantala nanawagan din si Zubiri sa mga artista o celebrities sa bansa na kusang mag-pull out na sa kanilang mga ineendorsong online gambling.
Oras na maging ganap na batas ang panukalang total ban ng online gambling sa bansa, tuluyan ding ipagbabawal ang pag-e-endorso ng mga artista.

Pero habang wala pa ang batas, personal na umaapela si Zubiri sa mga celebrities na huwag nang gamitin ang posisyon para manghikayat pa ng mga malululong sa online gaming.

Umaapela rin si Zubiri sa mga advertising companies na alisin na rin ang naglalakihang billboards at posters na nagkalat ngayon sa EDSA.

Bagama’t hindi tinukoy ng senador, alam niyang may ilang mambabatas na maimpluwensya at makapangyarihan na ang negosyo ay online gaming industry.
Tutukan natin!

***

Suhestiyon at reaksyon tumawag sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com