Advertisers
NOONG Miyerkoles, nakatanggap kami ng apat na magkakahiwalay na kalatas na nagsasabing nakatakdang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon na “unconstitutional,” o hindi ayon sa Saligang Batas, ang impeachment trial ni Misfit Sara. Iisa ang ibig sabihin niyan: hindi matutuloy ang nakatakdang paglilitis ni Misfit Sara na mag-uumpisa sa ika-4 ng Agosto.
Hindi sinabi kung saan at kanino galing ang balitang iyan. Hindi sinabi kung “leak,” o pasingaw ito mula sa Korte Suprema. Pero humingi na ikakalat ko ito. Tumanggi ako kasi hindi ako tanga na basta magkakalat ng hindi beripikadong impormasyon. Malamang ilabas ang desisyon bago ang SONA ni BBM sa Lunes o bago magsimula ang impeachment trial.
Hindi namin alam kung bakit kumalat ang balita pero batid namin na malina na espekulasyon ito. Hindi amin alam kung sino o anong grupo ang nagkalat ng espekulasyon na ito.Dalawa sa kanila ang nagtanong sa aming opinyon na kara-karaka naming sinagot.
Hindi maglalabas ang Korte Suprema ng anumang desisyon sa isyu ng impeachment trial ni Misfit Sara bago at matapos ang SONA ni BBM, ito ang aming mariing sagot. Matutuloy ang impeachment trial ni Misfit sara. Walang magagawa ang Korte Suprema dahil sa resulta ng natapos na ang pag-uusap ni BBM at Donald Trump sa Washington.
Pinag-usapan ng dalawang lider ang isyu ng taripa ng mga Philippine export na pumapasok sa Estados Unidos. Ito ang balitang tampok umano sa kanilang pagtatagpo sa White House. Pero ang nakatagong tampok na balita ay ang pag-usap nila sa isyu ng pangangamkam ng China sa teritoryo ng Filipinas, at ang agresibong panunuwag ng puwersa ng China sa mga mangingisdang Filipino at sasakyang pandagat ng bansa. May kasunduan si BBM at DJT sa isyung ito. May mga senyales rin.
Nakakuha ng komitment ang Filipinas na sasama ang Estados Unidos sa joint patrol ng West Philippine Sea. Hindi lang barko ng Filipinas ang gagawi sa mga kontrobersyal na bahagi ng WPS na kinamkam ng Peking. Kasamang magbabantay ang barko ng Estados Unidos. Pag-uusapan ang detalye ng isyung ito. Magsisilbi pananggalang ang joint patrol ng dalawang bansa sa anumang masamang tangka ng Peking.
May malinaw na mensahe si Trump kay BBM. Gawin na niya ang marapat upang bakahin ang puwersa ng mga Filipino na kumakatawan sa interes ng China sa rehiyon. Ibig sabihin: tablahin sila, pahinahin ang kanilang impluwensya, at kung maaari ay tuluyang silang sibakin at alisin sa poder upang hindi maghasik ng lagim.
Hindi mahirap basahin ang mensahe ni Trump kay BBM. Kung maaari, ituloy ang impeachment trial ni Misfit Sara at sibakin sa puwesto upang hindi na makatakbo sa halalang panguluhan sa 2028. Kasama sa mensahe ang pagdakip sa mga alipores ng China tulad ni Bato dela Rosa at Bong Go at pagpapahina sa mga tulad ni Robin Padilla, Imee Marcos, at magkapatid na Villar.
Hindi mahirap na ituloy ang paglilitis kay Misfit Sara. Maaaring isama sa laro ang pagpapatalsik kay Tricky Tsis bilang Senate President upang matuloy ang paglilitis. Hindi masamang tinapay sa publiko si Tito Sotto na totoong umaasinta sa puwesto ni Tricky Tsis na walang sawang nagwawala sa poder. Kapag napalitan si Tricky Tsis, alam natin na tuloy-tuloy na ang paglilitis kay Misfit Sara. Hindi na biruan ang laban. Kaya wala kaming nakikitang anumang desisyon na lalabas mula sa Korte Suprema.
Teka nga pala, may timbre sa Washington ang hindi kapani-paniwalang panalo ni Bong Go, Bato, Camille Villar, at Imee sa nakaraang halalan sa pagkasenador noong Mayo. Ganap na humina ang impluwensiya nila kasama s Joel Villanueva.
***
HINDI amin maalis ang matawa sa sagot ni Hen. Nicolas Torre III, hepe ng PNP, sa hamon ng suntukan ni Baste Duterte, ang iyaking anak ni Gongdi. Tinanggap ni Torre ang hamon at kagyat itinakda ang suntukan sa Araneta Coliseum. Upang mabigyan ng katuturan ang boxing bout, hiniling ni Torre na maglikom ng salapi sa suntukan upang ibigay sa charity lalo na sa mga nasalanta ng nakaraang bagyo.
Hindi namin alam kung ano ang isasagot ni Baste na ang balita namin ay lulong sa bisyo lalo na sa inuming nakakalasing. Pero batid namin na pagtatawanan ang anak na Gongdi. Hindi kasi siya nalalayo sa ama na mahilig manakot at magbanta pero hindi totoong lumalaban. Magaling lang si Gongdi sa mga walang lakas.
Sanay pala si Torre sa suntukan. Kabilang siya sa boxing team ng PNPA noong kadete pa siya sa Akademya. Hindi lang siya mahilig magyabang at magsalita tungkol sa naging buhay niya noong bago siya naging ganap na pulis. Hindi lang iyon, kahit 55 anyos na siya, maayos ang pangangatawan ni Torre. Fit na fit.
Si Baste, never mind. Hindi siya dapat maging paksa ng matinong usapan at talakayan. Puro lang yabang iyan. Hindi kami magtaka na dumating ang araw at busisiin ang pamamalakad niya sa siyudad. Ang alam namin ay sagad siya sa bisyo – at yabang.