Advertisers
INIHAYAG ng National Bureau of Investigation (NBI) na iniimbestigahan nito ang bilyon-bilyong pisong hindi pa nali-liquidate na pondo kaugnay ng mga proyektong isinagawa para sa pagho-host ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay NBI Director, Atty. Melvin Matibag, lumutang ang usapin matapos nilang bumisita sa New Clark City sa Tarlac, kungsaan planong itayo ang 70-ektaryang NBI Academy.
“Nakita namin doon ‘yung sports complex na ginamit sa SEA Games… nakarating sa amin na bilyon-bilyon pala ‘yung pumasok dito na pera na unliquidated,” ani Matibag.
Sinabi rin ng opisyal na sinisiyasat ng NBI ang ulat na isang pribadong kumpanya ang tumanggap ng tinatayang P10 bilyon para sa proyekto sa pamamagitan ng congressional insertions sa General Appropriations Act (GAA).
“Merong private company dito na na-involve na binayaran ng P10 billion at ang pagbabayad insertions sa GAA,” aniya. “Malaking kaso din ito.”
Ang New Clark City sports complex, na itinayo para sa ika-30 SEA Games, ay ki-nabibilangan ng 20,000-seat athletics stadium, 2,000-seat aquatics center, at athletes’ village.
Ayon kay Matibag, balak ding balikan ng NBI ang kontrobersiya sa multimilyong pisong SEA Games cauldron, ngunit nilinaw niyang hiwalay ito sa kasalukuyang imbestigasyon sa New Clark City sports complex.
Samantala, nauna nang si-nabi ni Senador Alan Peter Cayetano, dating chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), na bukas siya sa anumang imbestigasyon at itinanggi ang mga alegasyon ng iregularidad sa pagdaraos ng 2019 SEA Games.