Advertisers
NASA kustodiya ng awtoridad ang isang municipal councilor na umamin sa pamamaril at pagpatay sa kanyang kaibigan na sikat na vlogger sa Barangay Umangay sa Patikul, Sulu gabi ng Sabado.
Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sumuko nitong Linggo, July 27, si Mumarzhen Mañalas Suhuri, incumbent municipal councilor ng Patikul, kay Sulu Vice Gov. Hadji Abdusakur Tan, Sr.
Ang etnikong Tausug na si Mukzan, mas kilala bilang “Doofz” at kawani ng provincial office sa Sulu ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay sikat sa kanyang kampanya, gamit ang Facebook, sa pagsunod sa mga tradisyunal na kaugaliang naglalayong magkaisa at magtulungan ang mga Tausug sa probinsya para sa kapayapaan at kaunlaran.
Unang nanawagan si Tan, na mataas ang katungkulan sa multi-sector Sulu Provincial Peace and Order and Council, at ang mga opisyal ng iba pang units sa probinsya ng PRO-BAR kay Suhuri na sumuko matapos siyang ituro ng mga saksi na siyang pumatay kay Mukzan gamit ang isang .45 caliber pistol.
Nabatid na palabas na si Mukzan mula sa isang coffee shop sa isang beach resort sa Barangay Umangay sa Patikul at patungo sa kanyang motorsiklong nakaparada sa tapat ng malapit na establisimyento nang hawakan ni Suhuri at paputukan ng ilang beses ng kanyang hawak na baril.
Ayon sa mga municipal at provincial official sa Sulu, nagkaroon ng tampuhan ang matalik na magkaibigan na Mukzan at Suhuri na halos magkapatid ang turingan sa bawat isa, bago nangyari ang madugong insidente.