Advertisers
SINIBAK ni Pangulong “Bongbong” Marcos ang isang undersecretary sa Deparment of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa grabeng korapsyon, sabi ni Senador Erwin Tulfo sa panayam ng media.
Ito raw ang pinakamayamang opisyal sa DPWH, na umano’y kumamal ng limpak-limpak na komisyon sa multi-billion flood control project.
Pagbubunyag ng senador, pinag-iisipan ng pangulo na hindi na ibigay o hindi na ipahawak sa politiko ang pondo para sa naturang proyekto, kasi kahit daw sa mga lugar na walang baha ay pinagagawaan ng flood control kumamal lamang ng komisyon. Araguy!!!
Lumalakas naman ang panawagan kay PBBM na ipa-audit sa Commission on Audit (COA) ang pondo sa flood control sa halip na iasa lang ito sa DPWH.
Bakit nga naman ang DPWH ang mag-imbestiga eh sila ang iniimbestigahan? Aba’y malaki nga naman itong kalokohan? Mismo!
Matapang namang sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na welcome sa kanya na busisiin ang flood control projects. Seryoso?
Well, dapat talagang imbestigahang maige ang multi-billion na pondo sa flood control, na ayon mismo sa Pangulo sa kanyang 4th State of the Nation Address (SONA) kamakailan ay maraming mga depektibong proyekto at ang iba ay hindi makita kungsaan inilagay.
Nabunyag din ang isang construction company na nasa pangalan ng utol ni Ako Bicol Partylist Zaldy Co na si Kito Co na naka-corner ng P22.05 billion DPWH Contracts para sa mga proyektong mga kalsada, flood control, mga tulay at multi-purpose buildings mula 2023 – 2025.
Sa amin lamang lalawigan ng Romblon ay napakaraming ginawang kalsada ang Sunwest Construction ni Co na hindi nagagamit, dahil ubod ng tatarik, hindi kaya ng mga ordinaryong sasakyan. Tinubuan na nga ngayon ng mga damo at nagkaroon na ng mga sapa ang naturang mga kalsada sa kabundukan. Waste of taxpayers money!
Si Co ay dating chairperson ng House Committee on Appropriations at naging sanggang-dikit ni Speaker Martin Romualdez.
***
Ang isa pang dapat paimbestigahan ni Pangulong BBM ay ang mga ginawang seawall sa mga probinsiya na lalong nagpalala sa mga pagbaha at nakasisira pa sa magandang baybayin ng mga lugar. Sunwest din nina Co ang may gawa ng karamihang seawall sa Romblon.
Ang Congressman ng Romblon ay si Budoy Madrona na 27 years na sa puwesto. Ubod narin ng yaman ito, Mr. President.
Tuldukan!
***
Mukhang malapit nang makamit ang hustisya ng mga nawawalang sabungero.
Sa paglantad ng dalawang utol ng naunang tumayong testigo na si Julie Patidongan alyas Totoy, sinampahan na ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero ang umano’y salarin na pagdukot at pagpatay sa mahigit 100 sabungeros noong kasagsagan ng online sabong ng grupo ni Atong Ang.
Sinabi ng isa sa mga utol ni Totoy na nasaksihan niya mismo ang pagpatay sa sampung sabungero.
Ang magkakapatd na Patidongan ay mga dating closed security ni Atong.
Dito napatunayan na ang kaibigan ang pinakamasamang kaaway.
Patay kang Atong ka!
Ang lahat ay may katapusan…