Advertisers

Advertisers

DIMAGUILA: ‘AGILA’ NG BIÑAN CITY

0 74

Advertisers

NOONG Linggo, nakadalo kami sa Kapihan sa QC sa Mangan Tila sa Kyusi. Nakadaupang-palad namin sa kauna-unahang pagkakataon si Kin. Walfredo “Arman” Dimaguila ng nag-iisang distrito ng Biñan City sa Laguna. Ito ang unang termino ni Cong Arman bilang kinatawan sa Camara de Representantes at tahasang inamin niya na kumakapa pa siya sa Camara.

Alkalde ng Binan City ng tatlong termino si Cong Arman at totoong alam na alam niya ang Binan City tulad ng kanyang palad.

Sa kauna-unahang pagharap sa mga mamamahayag bilang kinatawan ng kanyang siyudad na may populasyon na abot sa kalahating milyon, ipinaliwanag ni Cong Arman na nanatiling problema ng malaking bahagi ng Biñan City ang pagbaha dahil naging mababaw na ang Laguna de Bay. Hindi na ito tulad ng dati. Umaapaw ang tubig mula sa makasaysayang lawa at hindi agad ito nakakadaloy papuntang Manila Bay.



Kailangan ng Laguna de Bay ang madaliang dredging kung saan huhukayin ang mga natipong burak sa lawa at itinatambak ang mga ito sa mga mababang lugar na nangangailangan tambakan upang tumaas. Hindi kumporme si Cong Arman na itambak ang burak sa bunganga ng mga estero papunta sa lawa dahil muling babalik ito sa lawa.

Maaari rin gumawa ng spillway upang mapigilan ang pagpasok ng tubig sa mga bayan ng Laguna at Rizal, ngunit may kamahalan ang halaga kaya hindi niya ito iminumungkahi. Sa dami ng gastusin ng bansa, hindi ito agad na mahaharap, aniya.



Ipinaliwanag ni Cong Arman na inakda niya at isinumite sa Camara ang House Resolution 33 na humihingi sa House Committee on Ecology ang agarang pagrerepaso sa lahat ng proyekto ng gobyerno upang pigilin ang baha sa paligid ng Laguna de Bay at tingnan ang posibilidad na ilunsad ang isang malaking proyekto sa dredging ng lawa bilang solusyon upang maiwasan ang malawakang pagbaha sa mga bayan sa paligid sa lawa.

Ayon sa kanya, naikalendaryo na ito ng House Committee on Rules at may posibilidad na masisimulan ang pagdinig sa sandaling matapos ng Camara ang pag-oorganisa sa sarili. Ipapatawag ng komite ang mga pinuno ng iba’t ibang sangay ng gobyerno na may pananagutan sa mga proyekto upang maiwasan ang pagbaha sa mga bayan ng Rizal at Laguna na nasa paligid ng Laguna de Bay.



Mungkahi niya na tawagin ang opisyales ng San Miguel Corporation (SMC) dahil may karanasan ang SMC sa paglilinis ng mga estero at ilog sa ilang bahagi ng Bulacan na kasalukuyang nahaharap rin sa pagbaha. Bahagi ng gawaing corporate social responsibility ang dredging at paglilinis sa mga ilog at estero sa Bulacan, aniya.

Hindi ordinaryo ang pagbaha sa Binan City, ayon sa baguhang mambabatas. Baligtad ito ng alam nating biglang pagbaha o flash flood sa ilang bahagi ng Metro Manila na tumatagal lang ng ilang oras. Sa Biñan City, tumatagal ng buwan ang baha doon at hindi ito humuhupa kaagad dahil masyadong mababaw na ang Laguna de Bay ang wala ng daluyan at paglagyan ang tubig-baha, aniya.

Ipinaliwanag ni Cong Arman na maliban sa dredging, o paghuhukay sa lawa, solusyon rin ang spillway. Inamin niya na hindi pa niya naaral kung magkano ang aabuting halaga ng dredging project sa lawa, ngunit nakahanda siya sa pasya ng komite na nakahanda umano tanungin ang mga expert sa isyu na iyan, aniya.

Sa ibang isyu, ipinahayag ni Cong Arman na pabor siya sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Misfit Sara dahil ito ang atas ng Saligang Batas. Kailangan harapin ni Misfit Sara ang mga tanong tungkol sa nawawalang P612 milyon na confidential fund na ibinigay sa kanya. Hindi natatapos ang isyu hanggang hindi niya ito naipapaliwanag.

Pumapabor siya sa total ban sa online gambling. Para sa kanya, mas unang tinatamaan ang kabataan sa online gambling dahil may access ang kahit sino sa sugal sa online, aniya. Mas maganda na tuluyan na itong ipagbawal dahil wala itong maidudulot na maganda sa kabataan.

***

IPINANUKALA rin sa naturang media forum ni Gerry Carual, isang dating mamamahayag, ang agarang pagbibigay edukasyon sa lahat ng mga mamamayan sa buong bansa tungkol sa kahalagahan ng disaster management. Nais ni Carual na marunong ang bawat Filipino kung paano ang tamang pagkilos sa panahon ng delubyo tulad ng lindol, bagyo, baha, at iba pang kaganapan na nakakaapekto sa kanila.

Mapinsala ang mga iyan at sa maraming pagkakataon, hindi kaagad makakaresponde ang mga taong may kaalaman kahit sa first aid. Hindi agad nalulunasan ang pinsalang dala ng mga delubyo, ani Carual na nangunguna sa isang foundation na nagbibigay ng karampatang pagtuturo sa first aid response sa mga mamamayan na nasa ilalim ng disaster.

Ngayon, umiikot ang team ni Carual upang bigyan ng edukasyon sa first aid response ang mga mamamayan sa buong bansa. Layunin na bigyan ng lakas ang mga mamamayan sa ilalim ng kanilang pagtuturo.