Advertisers
UMIIKOT sa hurisdiksyon ng Katimugang Maynila ang isang grupo ng “kapustahan”/police tong collector na magpapapuyos sa galit kay National Capital Region Director PNP MGen. Anthony Aberin.
Kasama sa iniikutan ng mga tong collector na pinamumunuan ng isang alyas Jun na kinilala ding aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP) at nakatalaga sa Special Operation Unit ng Southern Police District ay ilan sa mga siyudad sa Laguna upang proteksyunan ang vice operation ng hayag ding high value target sa kalakalan ng droga na isang alyas Touche.
Sinabi ng civic-spirited group na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na hindi lamang “patong” ang pulis na si alyas Jun sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies ni Touche kundi tong kolektor pa ito ng ilang tiwaling opisyales ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Pansamantalang di muna pinangalanan ng nasabing crime and vice watchdog kung sino ang mga ipinangongolekta ng lingguhang tong, lagay, payola o intelhencia ng police official na si alyas Jun. Ang alingasngas na ito ay lumutang ilang linggo lamang matapos na italaga sa pwesto bilang bagong NCRPO director si MGen. Aberin kapalit ni MGen. Sidney Hernia noong Nobyembre 2024.
Sa personal na “pag-orbit” ni alyas Jun sa mga lungsod ng Muntinlupa, Parañaque, Las Piñas, Taguig, Pasay at Makati ay kinausap nito ang ilang mga katropang police official na tulungan siyang mapatakbo ng walang sagabal ang STL con jueteng operation ng isang alyas Touche na ang sentro ng milyones na rebisahan ng taya ay sa siyudad ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon. Ang pangakong daang libong “protection money” ang pang-engganyo ni alyas Jun sa kanyang mga “kabatakan” na mga PNP official, kapalit sa pagkunsinte at proteksyon kay alyas Touche.
May mga safehouse si alyas Touche sa Putatan, Poblacion, Tunasan, Sucat at Cupang kung saan inire-remit ng kanyang mga bookies collector ang milyones na kubransa na tatlong beses binobola kada araw gamit na front ang walang bisa na PCSO STL franchise.
Wala ng bisa ang lehitimong STL franchise, kaya’t hindi na awtorisadong makapag-operate ng STL sa Muntinlupa City at mga kanugnog na siyudad na sinamantala ni alyas Touche at ng kanyang mga kasabwat sa hanay ng PNP, NBI at iba pang government law enforcing arm.
Maliban sa hurisdiksyon ni SPD Director BGen. Randy Arceo ay napasok din ng operasyon ni alyas Touche sa tulong ng “kapustahang” si alyasJun ang nasasakupan ni PNP Region 4-A Director BGen. Jack Wanky, partikular sa mga siyudad ng San Pedro at Sta. Rosa sa lalawigan ni Laguna Gov. Sol Aragones.
Residente ng Laguna si alyas Touche, ngunit nakapagpatayo at napalawak nito ang mala-imperyong gambling at drug trading sa Southern Metro Manila, lalo na sa Muntinlupa. Ngunit walang aksyon laban dito sina Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon at ang kanyang police chief na si Col. Robert C. Domingo laban kina alyas Touche at alyas Jun.
Isa si MGen. Aberin sa pinagkakatiwalaang heneral ni PNP Chief Gen. Torre III na makakapagpatupad ng epektibong hakbang upang maipakita at maipadama sa mga mamamayan ang tapat at mahusay na serbisyo ng kapulisan ang pagtiyak ng MKKB. (CRIS A. IBON)