Advertisers
SIMPLE lang ang naging sagot ng bilyonaryong negosyante na si Ramon Ang para mawala ang mga grabeng pagbaha sa Metro Manila.
“Alisin ang mga bara!”, paliwanag niya sa media at kina Manila Mayor Isko Moreno at MMDA Chairman Romando Artes sa isang press conference nitong Biyernes.
“Para mawala na ang baha sa Metro Manila, alisin natin ang mga bara, ang mga eskuelahan, mga bahay at building na nakatayo sa daraanan ng tubig, sigurado wala nang baha,” diin ng pangulo ng San Miguel Corporation (SMC) at isa sa top 10 bilyonaryo sa bansa.
Para, aniya, hindi na gumastos ang gobierno, ang SMC na ang gagawa, bigyan lang siya ng permiso, aalisin niyang lahat ng obstructions sa daluyan ng tubig.
Hindi na, aniya, kailan pang gumawa ng batas ukol dito, permit lang ang kailangan niya. Bahala na raw ang magdemanda.
Pero ang mga aalisin niyang nakabarang bahay, eskuelahan at gusali ay ililipat niya sa ibang lugar na hindi sagabal sa daanan ng tubig.
“Bibigyan ko ng pabahay ang mga maaapektuhan, at ipapatayo ko ang schools na maalis sa lugar,” giit ni Ang.
Si Ang ang nasa likod ng maraming skyways kaya naibsan ang mga grabeng trapik sa Metro Manila.
Tumpak si Ang sa kanyang solusyon. Kaya may baha dahil may mga nakabara sa daanan ng tubig. Alisin ang mga sagabal na ito at mawawala ang baha. Mismo!
Kaya ipamahala na natin ang pagresolba sa baha kay Ramon Ang, Mr. President!
***
Nawawala na ang dignidad at kridibilidad ng lehislatura partikular ang Senado dahil narin sa pagkaluklok sa mga taong ang interes ay proteksiyunan ang kanilang negosyo at ilang personalidad na naging daan para sila mapunta sa Senado.
Nakita natin ito sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, kungsaan kitang-kita ang pagkiling ng maraming senador sa Bise Presidente na iniimbestigahan sa maraming katiwalian. Na kung pakikinggan ang kanilang mga rason ay mga walang sense kundi basta lang ayaw nila maisapubliko ang mga ebidensiya sa mga reklamo laban kay Sara.
Kaya bago pa tuluyang mawala ang tiwala ng mamamayan sa Senado ng Pilipinas, kailangan dito ng total renovation. Umpisahan natin sa 2028 elections, ‘wag nang ibalik o iboto muli ang mga payasong senador. Kilala n’yo na kung sino-sino sila. Oo! maghalal uli tayo ng mga kalibre ng senador noong 90s na talagang mga kagalang-galang. Let’s do it!!!