Advertisers

Advertisers

PBBM Tara po sa aming Lugar Tignan mo ang Bilyon bilyong pisong Palpak na Flood Control Project sa Las Pinas – Rep Santos

0 991

Advertisers

Matinding binatikos ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang bilyon-bilyong pisong flood control projects sa lungsod na, sa kabila ng taon-taong pondo, ay bigo pa ring solusyunan ang matinding pagbaha sa maraming barangay.

Nanawagan si Santos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na personal na bumisita at inspeksyunin ang mga proyektong ito, at nagpahayag ng kahandaang samahan mismo ang Pangulo upang makita ang tunay na kalagayan ng mga komunidad.

“Ginoong Pangulo, bilyon-bilyon na ang ginastos, pero tuwing tag-ulan at bagyo, lubog pa rin sa baha ang Las Piñas,” mariing pahayag ni Santos, sabay pagbubunyag na halos dalawa hanggang tatlong contractor lamang ang nananalo sa mga bidding.

“Dapat malaman ng taumbayan kung saan napupunta ang kanilang buwis at bakit palpak pa rin ang mga proyekto,” dagdag pa ng kongresista.

Binanggit din niya na “ang flood control ay hindi palamuti para sa ribbon-cutting,” kundi usapin ng kaligtasan at kapanatagan ng bawat pamilya.

Bukod sa flood control, binanatan din ni Santos ang Las Piñas–Zapote River Drive na aniya’y proyektong pinondohan ng pera ng taumbayan ngunit tila naglilingkod lamang sa interes ng pribado.

Ayon sa kanya, ang naturang kalsada ay dumadaan sa mga negosyo at real estate project ng pamilya ng isang kilalang politiko, na nagbubukas ng malinaw na tanong kung ginagamit ba ang pondo ng gobyerno para sa kapakinabangan ng iilan.

“Ang kalsadang pinondohan ng buwis ng mamamayan ay para sa lahat ng mamamayan—hindi para maging eksklusibong daanan ng iilan,” giit ni Santos.(Cesar Barquilla)