Advertisers

Advertisers

MAGBALANSE

0 2,596

Advertisers

Sa pamamahayag ganap na tumutulay sa alambre ang bawat kapatid na nagpapahayag ng opinyon sa isyu ng bayan. Ang banggit na paninindiga’y ‘di magawang bawiin higit institusyon ang ngalan sa industriyang kinabibilangan. Subalit may pagkakataon o minsa’y nakokoryente sa pinag-uusapan higit kulang sa pagpapalalim o hilaw ang nakalap na impormasyon. Ang makoryente sa pahayag na kulang sa pagpapalalim ang kadalasang nagaganap sa mga kapatid na umasa sa impormante at ‘di nagawang magpalalim sa impormasyong nasa harap. Masakit ang makoryente sa pahayag higit kinikilala sa hanap buhay na kaakibat ang ngalan bilang sumbungan at paggalang bilang haligi ng industriyang ginagalawan. Ang bawiin ang inusal na pahayag sa ano mang plataporma ang ‘di magagawa ng kilalang ngalan sa industriya ng balanseng pamamahayag.

Sa nasilip na usapin sa social media, natuunan ng pansin ang isang retiradong peryodista na pangalanan nating Mang Mon. Sa nasilayan at napakinggan “video” tila may tinutukoy na isang si doktor si Mang Mon mula sa isang pampublikong pagamutan at tipong hinihiya dahil sa sumbong sa labis na “professional Fee” (PF). Sa pag-uusisa nabatid na ang pasyente’y tumuloy sa pagamutan bilang “pay patient” at nagka-ayos sa halaga ng PF ng doctor na titingin sa may sakit. Sa napag-ayunan sa usapan, tila ‘di mababalikat ng kamag-anak ng pasyente ang bayaring P300K na ibinaba sa P45K ang PF at umabot o pumayag ang doktor sa “guarantee letter” (GL) na galing sa politiko. Sa usapan, tila ‘di nasiyahan ang kamag-anak ng pasyente at tila nagsumbong kay Mang Mon na ang PF ng doktor ang dahilan ng pagkakapinid ng pasyente sa pagamutan gayung nag-usap, nagkasundo at pumayag ang doktor na tanggapin ang GL bilang PF.

Hindi doon ganap na natapos usapan at nasilip sa social media ang pahayag ni Mang Mon na tila walang puso ang doktor sa laki ng PF na nagpinid sa pasyente at ‘di makalabas ng pagamutan. Lumaki na parang apoy ang usapin na tila sumunog sa propesyon ng mga doktor sa bansa. Marami ang nalungkot sa pahayag at tila naging kontra-bida ang doktor na ‘di nakaunawa sa kalagayan ng maralita may sakit. Ngunit o sa totoo lang, ang ‘di pagkakaintindihan sa antas ng nag-uusap ang pasyente ‘at doktor ang una ang may kahinaan sa ‘di pagtupad sa kasunduan at paglabas ng usapin sa nag-uusap. Uulitin, sumang-ayon ang doktor sa pagbaba ng PF at tanggapin ang GL bilang kabayaran sa serbisyong iginawad. Ang masakit, nasilip ng asosasyon ng mga doktor ang paglabas ng usapin sa pahayag ng peryodista sa social media na kumiliti sa mga asosasyon at naglabas ng mga pahayag sa usapin nasa harap.

Tila sala ang pahayag ni Mang Mon dahil sa kakulangan sa pagsasaliksik ang kinokondena ng Philippine Medical Association at ng Philippine College of Physicians sa ngalan ng patas na pamamahayag. Ayon sa PMA at PCP ‘di binigyan pansin ang pagsang-ayon ng doktor na bawasan ang PF at pag-ayon na tangapin ang GL na bilang kabayaran sa serbisyong ginawad. Sa halip, lumabas ang pagkondena sa doktor na umayon sa paki-usap ng pasyente’t kamag-anak. Sa totoo lang, ang banggit na doktor ay isa sa may puso sa mga pasyente na naglalahad ng tunay na tindig sa buhay at ang basehan ng ganap na pagkalinga ang ginagawa. Sa too lang, walang kabatiran ang sino man o ang dokor sa antas ng kabuhayan ng mga pumapasok sa mga pagamutan at ganap ang gawad na pagkalinga ang ibibigay sa sino mang may sakit. Ang pagsasabi ng katotohanan ang magpapalaya sa sino man at ang paglulubid ng kasinungalingan ang sasakal sa tampalasan.

Sa katunayan, ang usapin ng pangkalusugan ay usapin ng pamahalaan na inisantabi ng mga politiko at inuna ang sarili. Ang pagbawas sa pondo ng kagawaran ng kalusugan at ng Philhealth ang naisalang sa usapin na inilahad sa social media ni Mang Mon na nagpasakit sa loob ng doktor o mga doctor na tumitingin sa mga pasyente sa mga pampublikong pagamutan. Ang ‘di maubos – ubos na korapsyon sa pamahalaan ang nagpalala sa usapin ng kalusugan na ngayo’y pasanin ng mga doktor na ‘di magkandaugaga sa dami ng may sakit. Ang masakit sa mga nasilip na mga pasyente, reseta lang ang naiaabot at ‘di ang gamot sa kawalan ng pondo sa mga pagamutan na napunta sa lukbutan ng politiko.

Sa kabilang banda, nariyan ang mga pasyente o kamag-anak na pumupusturang mayaman at kayang magbayad makuha lang mahusay na doktor at sa huli, nganga dahil walang perang mahugot at aasa sa GL na abot ng mga politiko na ‘di garanyiya na aabot sa lukbutan ng mga doktor. Sa nasilip sa social media, ‘di usapin ni Mang Mon at ng doctor na nasaling o ng mga asosasyon ng mga doctor, sa halip ito’y usapin ng pamahalaan na isinatabi ang kalusugan ng bayan para sa sa sariling pakinabang. Ang pagkakasaling sa usapin ng kalusugan ang isa na kailangang tuunan ng pamahalaan na tuwiran ang pakinabang ng tao sa laylayan.

Bilang panghuli, maselan ang paghahayag ng sino man na ‘di balance ang tindig sa usapin. Ang mangusap ng sala higit sa panahon na parang apoy na kumakalat ang pahayag ang ingatan ng ‘di mabalewala ang tanim sa nakaraan. Ang pag-alam sa mga panig ng nag-uusap ang tindig na inaasahan sa mga mamamahayag higit sa mga batikan ng ‘di mawala ang kinang ng nakaraan. Batid na ibig tumulong at isiwalat ang kahinaan ng iilan ngunit tungkulin na mabatid ang panig ng bawat isa o sa patutukuyan. Maglahad ng tama at magbalanse sa usapin higit kung may masasaktan ang inaasahan sa mga mamamahayag. Mainam ang magbalanse sa pamamahayag na tungkulin ng bawat para sa katotohanan na hanap sa kasalukuyan.

Maraming Salamat po!!!!