Advertisers
PORMAL nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules bilang batas ang panukalang batas na epektibong nagpapaliban sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections – isang araw bago ito dapat na maging batas.
Orihinal na itinakda noong Disyembre 1, 2025, ipinag-uutos ng batas ang susunod na pagsasagawa ng botohan sa unang Lunes ng Nobyembre sa susunod na taon, o Nobyembre 2, 2026.
Itinatakda ng Republic Act 12232 ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan mula sa kasalukuyang tatlong taon hanggang apat na taon.
Nakasaad dito na walang halal na opisyal ng barangay ang dapat manungkulan ng higit sa tatlong (3) magkakasunod na termino sa parehong posisyon at walang elective na opisyal ng Sangguniang Kabataan ang dapat manungkulan ng higit sa isang (1) termino sa parehong posisyon.
“Voluntary renunciation of office for any length of time shall not be considered as an interruption in the continuity of service for the full term for which the elective official was elected,” saad pa nito.
Ipinag-uutos pa ng batas na ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan na inihalal pagkatapos ng bisa ng batas ay magsisimula sa unang araw ng Disyembre sa susunod na kasunod ng kanilang halalan.
“All incumbent barangay officials and members of the Sangguniang Kabataan shall remain in office unless sooner removed or suspended for cause until their successors shall have been elected and qualified,” nakasaad pa dito.
Ang mga nanunungkulan na elective barangay officials na naglilingkod sa kanilang ikatlong magkakasunod na termino sa parehong posisyon ay hindi magiging karapat-dapat na tumakbo para sa parehong posisyon sa Nobyembre 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ang Commission on Elections ay inatasan na maglabas ng mga implementing rules and regulations ng batas sa loob ng 90 araw. (Vanz Fernandez)