Advertisers

Advertisers

Balasahan sa PNP, idadadan sa tamang proseso ayon kay PNP OIC Chief Nartatez

0 42

Advertisers

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge PLt. Gen. Melencio Nartatez Jr. na dadaan sa tamang proseso ang balasahan sa hanay ng matataas na opisyal ng Pambansang pulisya.

Ayon kay Nartatez kahit siya na ang pansamantalang namumuno sa PNP, iginiit nitong dapat pa ring sundin ang tamang pamamaraan upang matiyak na walang nalalabag na regulasyon sa pagtatalaga ng mga opisyal.

Ani Nartatez, kung sakaling may pagbabago sa pwesto ng mga opsiyal, dapat maging handa sila dahil walang permanente sa kanilang trabaho sapagkat prerogative ng pangulo ang kanilang posisyon.

Matatandaang, hindi sinunod ni dating PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang rekomendasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay sa ipinatupad nitong balasahan noong August 14 kung saan ipinababalik bilang number 2 man o chief of administration si Nartatez kapalit ni PLt. Gen. Bernard Banac mula sa Area Police Command – Western Mindanao.

Kasunod nito, nilinaw rin ni Nartatez na maayos ang kanilang samahan ni Torre kahit na inilipat siya nito sa Mindanao.

Samantala kinumpirma ni Nartatez na hindi magsisilbing tagapagsalita ng Pambansang Pulisya si PBGen. Jean Fajardo ito’y kahit wala pang opisyal na kautusan.

Paliwanag ni Nartatez, dapat manggaling sa Public Information Office ang spokesperson.

Nabatid na si Fajardo ay nakatalaga sa Directorate for Comptrollership.

Sinabi pa ni Nartatez na sya mismo ay magsisilbing spokesperson pero kung wala naman sya ang PIO ang magsisilbing tagapagsalita ng PNP.

Nagpasalamat naman si dating Philippine National Police (PNP) Chief Police General Nicolas Torre III sa suporta ng publiko.

Sa kanyang verified Facebook account, ibinahagi ni Torre ang post ng isang Facebook page na nakasaad na:

“Sa bawat laban—sa ring man o sa serbisyo—ang tagumpay ay laging para sa taumbayan

Ang lakas at tapang ni Chief Torre ay para sa kapakanan ng bawat Pilipino. Dahil ang tunay na tagumpay ay ang patuloy na paglilingkod sa bayan.

Nilagyan nya rin ito ng caption na “Salamat po sa suporta nyo.”

Samantala, sinusubukan pa rin nating kuhanin ang pahayag ni Torre at kanyang saloobin sa palitan ng liderato sa PNP.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.