Advertisers
BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaisa para sa pangangalaga ng karagatan at kapuluan ng bansa.
Ginawa ni PBBM ang pahayag sa pagdiriwang ng Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo) 2025.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng Pangulo na mula pa noong sinaunang panahon ay nakaugat na sa kasaysayan ng mga Pilipino ang pagiging malapit sa dagat, na nagsilbing daan ng kalakalan, ugnayan, at paglaban para sa kalayaan.
Sinabi ng Chief Executive na ang dagat ang nagsilbing duyan at lakas ng bansa, pinagmumulan ng pagkain, kalakalan, at pagkakaisa ng mga isla.
Dito rin, ayon sa Pangulo, nakasalalay ang kaligtasan ng mga pamayanan at katatagan ng ekonomiya.
Binigyang-pugay din ng Presidente ang National Maritime Council at ang Presidential Office for Maritime Concerns sa kanilang papel sa pagsusulong ng maayos na pamamahala para sa agrikultura, enerhiya, komersyo, at agham.
Kasabay nito, nanawagan din si Pangulong Marcos sa mga institusyon na itugma ang siyensya sa batas, sa mga komunidad na yakapin ang responsableng pangangalaga, at sa mga pinuno na pangasiwaan ang kanilang mga nasasakupan.
Habang isinusulong aniya ang Bagong Pilipinas, mahalagang magkaisa sa pag-aalaga ng ating dagat at baybayin, hindi lamang para sa ating kasalukuyan kundi para rin sa susunod na salinlahi. (Gilbert Perdez)