Advertisers
KUNG noong Lunes, Sept. 8, ay biniro ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Rodante Marcoleta si Sen. Jinggoy Estrada na “ligtas ka na” (sa flood control scandal) matapos sabihin ni Engr. Brice Ericson Hernandez na walang senador na sangkot sa katiwalian sa pagtatanong ni Jinggoy sa Senate inquiry, nitong Martes ay binawi ni Hernandez ang kanyang sinabi sa Senado nang ikanta niya sa House inquiry na dalawang senador ang humirit ng 30 percent na komisyon sa mga ibinaba nilang proyekto sa unang distrito ng Bulacan.
Sinabi ni Hernandez na si Sen. Jinggoy ay nagbaba ng P355 million worth ng proyekto, habang si Sen. Joel Villanueva ay nagbaba ng P600m kungsaan bawat isa sa kanila ay humirit ng tig-30% kickback!
Wala pang reaksyon dito ang dalawang tigasing senador.
***
Inanunsyo ni Commission on Elections (Comelec) Chairman, George Erwin Garcia, na lahat ng nabigyan ng campaign funds mula sa 31 kontratista ay tumakbo sa national elections.
Ayon kay Garcia, maari pang tumaas ang bilang na ito sa pagpapatuloy ng kanilang imbestigasyon sa isyu.
Iginiit ni Garcia na mahigpit na ipinagbabawal sa Section 95© ng Omnibus Election Code ang sinumang government contractor na magbigay ng donasyon sa sinumang kandidato sa panahon ng halalan.
Posible aniyang kasuhan ang sinumang kandidato na tumanggap ng donasyon sa government contractor noong May 2022 dahil ang prescriptive period ng election offense ay 5 years at may katapat itong parusa na kulong mula isa hanggang anim na taon. Araguy!!!
Sina ex-Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero at Sen. Joel Villanueva ay umamin na sila ay tumanggap ng milyones na campaign funds mula sa kontraktor noong 2022 election.
Si Escudero, na natanggal sa pagka-Senate President noong Lunes, ay tumanggap ng P30m donasyon mula sa Centerways Construction, habang si Villanueva ay tumanggap ng P20m mula sa New San Jose Builders, Inc.
Sa pag-amin nilang ito, masibak nga kaya sila sa pagka-senador at makulong ng hanggang 6 years? Subaybayan!
***
Habang nililinis ng bagong DPWH Secretary, Vince Dizon, ang kanyang ahensiya sa mga tiwaling empleyado partikular opisyales, lumutang ang mga tsismis tungkol sa isang top official na nagmamay-ari umano ng daan-daang milyones na halaga ng mansyon sa pinakamamahal na villages.
Ang opisyal na ito ay nagmamay-ari raw ng lote sa Forbes Park na nagkakahalaga ng halos P1 billion, at 5 lote sa Corinthian Gardens sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City na nagkakahalaga ng P1.5 billion.
Ang kayamanan niyang ito ay galing umano sa mga kickback sa mga proyekto na hinihirit sa kanya ng mga kontraktor.
The who? Itanong n’yo kina Engr. Brice Hernandez at Engr. Henry Alcantara ng DPWH Bulacan.
***
Hinihiling ngayon ng mga taga-Romblon sa Kongreso na imbestigahan din ang ‘cross country road’ projects ng Sunwest at Legacy sa Romblon partikular sa isla ng Tablas.
Gumawa kasi ng nakaparaming kalsada sa kabundukan ang Sunwest at Legacy na hindi naman puedeng daanan dahil napakatatarik at hindi na nga makita ngayon dahil tinubuan na ng mga damo at nagkaroon ng mga sapa sa gitna dulot ng mga pag-ulan.
Waste of taxpayers money ito, Mr. President!