Advertisers
DALAWA pang senador ang pinangalanan na kumuha ng kickback sa multi-billion flood control projects scandal.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sa mga iregularidad sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes, binanggit ng bagong resourse person na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na si Senador Chiz Escudero at ex-Sen. Nancy Binay ay kumuha ng 20 percent kickback mula sa budget insertion.
Personal daw niyang inihatid kay Escudero ang P160 million kickback mula sa P800m na halaga ng proyekto. Ibinigay daw niya ito sa isang negosyanteng si Maynard Ngu, ang “bagman” siguro ito ng mister ni Heart.
Bukod dito ay nag-deliver rin siya ng bags of money para sa campaign funds ni Chiz noong 2022 senatorial election.
Obkors todo tanggi si Chiz. Wala namang magnanakaw na umaamin hangga’t ‘di nahuhuli o walang ebidensiya na magdidiin dito, right?
Kailangan ipatawag sa sunod na mga pagdinig itong Maynard Ngu para malaman kung may katotohanan ang isiniwalat ni Bernardo.
Siguro naman ay namumukhaan pa ni Bernardo itong si Ngu o baka may contact number siya nito o kung sino ang nagpakilala sa kanya kay Ngu.
Depensa ni Chiz, sa higit 27 years niya sa public service ay hindi pa raw siya ni minsan na-charge ng korapsyon.
“That record speaks for itself. I believe that when all the facts are revealed, my name and my service will reamain untarnished,” diin ng sweetheart ni Heart na napatalsik sa pagka-Senate President nang mabuking ang pagtanggap niya ng P30 million campaign fund mula sa kontraktor na sangkot sa flood control projects scam.
Wala pa namang reaksyon si Binay sa ibinunyag ni Bernardo.
Nagtalo naman sa pagdinig sina Senate Blue Ribbon Committee chairman Ping Lacson at ang napatalsik na tserman ng komite na si Sen. Rodante Marcoleta sa pag-handle kay Bernardo.
Ayaw kasi ipadala ni Marconeta si Bernardo sa Department of Justice. Pero nanaig parin ang kagustuhan nina Senate President Tito Sotto at Lacson.
Ibinalik naman sa Senado si Bernardo pagkatapos ng pananghalian para sa pagpapatuloy ng hearing.
Noong Martes ay nagtalo rin sina Lacson at Marcoleta dahil iginigiit ng huli na ipasok sa Witness Protection Program (WPP) ang mag-asawang kontraktor na Curlee at Sara Discaya, ang may pinakamalaking kontrata sa DPWH.
Nagtataka nga rin tayo kung bakit masyadong pinoproteksiyunan ni Marcoleta ang Discaya. Magkano kaya ang dahilan?
Mga pare’t mare, sa batas, nasa DoJ ang kapangyarihan at pagbigay ng kondisyon sa pagtanggap sa WPP.
Butata si Marcoleta.