Advertisers
NAHULI ng mga pulis sa Taguig ang isang bagong kinilalang high-value drug personality matapos ikasa ang isang buy-bust operation na humantong sa pagkakasamsam ng mahigit kalahating kilo sa Barangay Pembo, Taguig City.
Kinilala ang suspek na si Rowel Mendoza, 26, construction worker at residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng madaling araw noong Oktubre 1, 2025, mula sa pinagsamang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police Station (CPS) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ng mga awtoridad na si Mendoza, alyas “Rowel,” ay nakalista bilang isang bagong nakilalang high-value na indibidwal sa watchlist ng ilegal na droga ng lungsod.
Narekober mula sa suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 565.6 gramo, na may street value na P3,846,080, kasama ang isang green coin purse, isang brown wallet, isang light green tea bag, at marked buy-bust money na binubuo ng isang tunay na ?500 bill at 11 pirasong boodle.
Dinala ang mga nakumpiskang droga sa Southern Police District Forensic Unit sa Camp Bagong Diwa para sa laboratory examination, habang si Mendoza ay nananatiling nakakulong sa Taguig CPS custodial facility.
Ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ay inihahanda laban sa kanya.
Iginiit ni Taguig City Police Chief Colonel Byron F. Allatog na ang pag-aresto ay resulta ng kanilang agresibong paninindigan laban sa iligal na droga, naaayon sa tagubilin ni Mayor Lani Cayetano na unahin ang pag-aresto sa mga high-value personalities at panatilihing drug-free ang lungsod ng Taguig. (JOJO SADIWA)