Advertisers

Advertisers

XAVIER CORTEZ NAGSIMULA SA GOMA PUMALAOT SA PELIKULA

0 18

Advertisers

Ni Rommel Gonzales

Bago tumawid sa mundo ng pelikula ay paggawa ng goma o rubber ang sentro ng RK Rubber Enterprises Co. ni Xavier Cortez.

“Kung gusto lang talaga namin ng pera, nag-focus na lang po kami sa goma,” saad ni Mr. Cortez o Xavier.

“CineGoma po, talagang ginagawa namin iyan for the love of the art.”

Ang CineGoma ay passion project ni Xavier, na siyang festival director, na may hangaring tumulong sa mga storytellers na lumikha ng maiikling pelikula batay sa tunay na buhay at pangyayari.

“Ang tema namin is about the story of struggle. Hindi yung usual na challenges na nakikita natin, kundi yung struggle ng mga ordinaryo at maliliit na tao,” sinabi pa ni Xavier.

Malawak ang sakop ng CineGoma 2025 edition; mga short films mula Luzon, Visayas, at Mindanao, na ikukuwento sa kani-kanyang lenggguwahe o dayalog.

“Pag-entry po nila ay dialect nila ang ginagamit.

“May filmmaker po sa CineGoma na galing sa Davao, Cagayan de Oro… marami rin po mula sa Visayas.”

Nagsimula sa maliit, ngayon ay patuloy ang pag-usbong at paglaki ng CineGoma at pagbibigay ng pansin at halaga sa mga young filmmakers.

“Mas lumaki ‘yung CineGoma this year kasi may mga nakilala din po kami sa industriya.

“Dati masasabi natin na parang independent lang, pero ngayon nagkaroon kami ng maraming kaibigan sa industriya.”

Sa tanong kay Xavier kung ano nga ba talaga ang CineGoma…

“Sa CineGoma, gusto natin ipakita na kahit ‘yung mga maliit na tao, meron rin silang kuwento.

“At ‘yung mga maliit na community na bihira po nating makita sa mainstream, dapat mabigyan ng boses.”

Ngayong taong ito ay idaraos rin sa unang pagkakataon ang campus tour ng Cinegoma kung saan may partnership sila sa mga eskuwelahan sa Quezon City at Maynila upang hikayatin at mai-inspire ang mga baguhang filmmakers.

“Ang focus namin ay ang mga aspiring filmmakers, student filmmakers.

“Open rin naman po kami sa mga professional, pero mas hinihikayat lang namin ang mga baguhan kasi sa totoo lang sila ang may pure na boses at pag-iisip pagdating sa pelikula,”

At ngayong taong ito, pinangunahan ng CineGoma ang bagong kategorya, ang AI Film Category, na maituturing na una sa mga festivals sa Pilipinas.

Kikilala sa mga AI-generated short films, isang hakbang na magpapakita sa pagyakap ni Cortez sa mas makabagong teknolohiya at evolution ng pelikula.

“Natuloy po ‘yung AI category. It’s a bold step for a grassroots festival, proof that creativity can thrive whether it’s born from human hands or digital minds.

“Based sa mga napanood ko na entries, masasabi ko na ang AI ay sobrang layo pa talaga pagdating sa authenticity. Yung sincerity ng eksena o kwento, wala—hindi makikita sa AI. AI is just a tool for filmmakers.”

Ang 2025 edition ng Cinegoma ay magaganap mula November 24 hanggang 29; ang mga movie screenings ay sa QCX sa Quezon Memorial Circle, RK Cinema sa Quezon City, at sa SinePop.

Ang awarding ceremony naman ay sa Quezon City University kung saan tatanggap ng cash prizes ang mga magwawagi sa bawat kategorya.

Ang mga naging bahagi na ng jury ng CineGoma ay sina Rolando Inocencio, Diego Llorico, Ynez Veneracion, and Rodolfo “Jun” Sabayton Jr, among others.

Samantala, ilan na sa mga past entries ng Cinegoma ay umani na rin ng papuri mula sa ibang prestihiyosong award bodies tulad ng FAMAS Short Film Festival 2025. Ilan sa mga naging nominado ay ang “Pangako sa Tuktok Daraitan” (Best Production Design, Best Regional), “Parapo” (Best Cinematography, Best Director), at “Benny” (Best Editing, Best Production Design).