Advertisers
Ni Anne Venancio
Nagbigay ng tulong si Vice Ganda sa 20 jeepney driver na naging kalahok sa segment na “Laro Laro Pick” ng It’s Showtime noong Abril 18 kung saan isang masuwerteng kalahok ang nakasungkit ng P200,000 jackpot.
Ayon sa ulat, bukod sa pangunahing premyo, dinagdagan pa ni Vice ng tig-?5,000 ang bawat isa sa iba pang kalahok bilang dagdag na tulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Isa sa mga kalahok na si Ricky mula Caloocan ang nagbahagi ng kanyang pinagdaraanan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. Dahil dito, napilitan siyang huminto sa pamamasada bilang jeepney driver at ngayon ay kumakayod na lamang bilang tagabuhat sa terminal upang may maipantustos sa kanyang pamilya.
Sa gitna ng kanilang sitwasyon, nanawagan si Vice Ganda sa pamahalaan na bigyang pansin ang kalagayan ng mga tsuper sa bansa.
“Sana lang nanonood ang pamahalaan… Marami pong Pilipinong ganito ngayon… Ang tanong, ano ang plano niyo sa kanila?” pahayag ni Vice sa programa.
Bukod sa cash assistance, nagbigay rin ang komedyante ng karagdagang tulong sa isa pang kalahok na si Hapon, kabilang ang gastusin para makauwi sa Bicol at puhunan para makapagsimula ng maliit na negosyo.