Advertisers
SINIMULAN na ng Department of Justice (DOJ) ang ‘preliminary investigation’ sa ilang opisyal at empleyado ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa reklamong kidnapping, qualified trafficking, etc., na isinampa ng isang pamilya ng katutubo (Aeta Tribe) sa Piskalya ng Nueva Ecija.
Naisulat na rin natin ang insidente kung saan “ginamit” ang isang menor-de-edad na babae para mai-blackmail ng isang “sindikato” ang isang matagal nang foreign locator sa SBMA sa halagang P50 milyon.
Nasa kustodiya na ng ‘Volunteer Against Crime and Corruption’ (VACC) ang bata at saludo tayo kay Chairman Atty, Manuel Obedoza sa kanyang walang sawang pagtulong sa mga biktima ng karahasan.
Dati nang nakakuha ng P20 milyon sa isa ring foreign locator ang grupo—na kasabwat pa ang ilang piskal sa Olongapo City—kaya muling binalak na targetin ang isa pang foreign locator sa Subic.
‘Yun nga lang, “magaling” ang abogadong Pinoy ng target victim kaya nabulyaso ang operasyon at sila ngayon ang nahaharap sa patong-patong na reklamo.
Naniniwala tayong “alam” ni SBMA Chairman Eduardo Aliño ang buong isyu. Kaya nga, kasama tayo sa dismayado na sa halip na positibong aksyon upang maproteksyunan ang mga locator sa SBMA at mabigyan ng hustisya ang mga biktima, mistulang “kunsintidor” pa siya sa mga kabulastugang nangyayari sa kanyang “bakuran.”
Ayon pa sa mga miron, palaging “bukang bibig” nitong si Chairman ang aking “Bossman,” si ex-DOJ Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, ang ating bagong Ombudsman.
May “kinakaladkad” pa rin umanong mga pangalan, ES Lucas Bersamin, itong si Chairman, na mga opisyal sa Malakanyang.
Kumbaga, “malinaw” pa sa sikat ng araw ang “mensahe” ni Chairman Aliño: “Walang dapat ikatakot” ang kanyang mga opisyal at empleyadong sangkot sa kontrobersiya kahit masampahan ng reklamo dahil sa kanyang mga “astig na mga ‘MBA,’ as in, “may backer ako!”
Kung totoo naman na ‘BFF’ niya si Ombudsman, hindi ba dapat proteksyunan niya si Bossman at huwag kaladkarin sa mga eskandalo?
Bukas naman ang ating pitak sa paglilinaw mo, Chairman Aliño.
Abangan!