Advertisers
SINALAKAY ng magnanakaw ang isang pumping station sa Cainta, Rizal sa gitna ng banta ng bagyong ‘Uwan’, natangay ang mga gamit na mahalaga sa operasyon ng pasilidad.
Base sa ulat, pinutol ng magnanakaw ang steel matting at mga kable ng kur-yente, tinanggal ang lahat ng tanso, at kinuha pati ang mga baterya ng generator.
Ayon kay Mayor Kit Nieto, agad niyang pinasuri ang pasilidad sa mga installer upang matiyak na muli itong mapapagana bago paman manalasa ang bagyo. Nag-utos din siya na maglagay ng 24-hour security sa lahat ng pumping stations sa Cainta upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
“Yung pump station natin sa Park Place, pinasok ng magnanakaw kagabi. Nag-cutting sila ng steel matting, tinanggal lahat ng tanso, pinutol lahat ng kawad. Pinapuntahan ko sa installer… baka magawan ng paraan ngayon… para umabot… nakakagalit. P300,000 reward, personal kong pera, sa makapagtuturo ng gumawa nito… ‘di ko ‘to palalagpasin… Pinalagyan ko na ng 24 hour security lahat ng iba pa nating pump stations,” ayon sa post ng alkalde sa Facebook.
Nag-alok si Nieto ng P300,000 pabuya mula sa sa-rili niyang bulsa para sa makapagtuturo sa salarin.
Nananawagan din ang opisyal sa iba pang may impormasyon sa kaso na agad itong ipagbigay-alam sa kanilang opisina para matugunan.