Advertisers
Patuloy ang mabilis na aksyon ng pamahalaan sa pagpapanumbalik ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Uwan, kung saan umabot na sa 60% ng kabuuang suplay ang naibalik.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na base sa ulat ng Department of Energy (DOE) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mayroon nang 454 sa 712 munisipalidad ang muling nakikinabang sa suplay ng kuryente.
Ayon kay Castro, tuloy-tuloy at walang patid ang restoration efforts na isinasagawa sa mga natitirang lugar na hanggang ngayon ay wala pang kuryente.
Mahigpit din umanong binabantayan ng DOE ang operasyon ng 60 electric cooperatives upang masiguro ang agarang pagkukumpuni sa mga nasirang linya at pasilidad.
Sa pinakahuling ulat ng DOE sa Pangulo, tinatayang ?4 milyon na ang halaga ng pinsalang idinulot ng bagyo sa sektor ng enerhiya, kabilang ang mga transmission lines at power distribution facilities.
Samantala, tiniyak ng Palasyo na patuloy na mino-monitor ng DOE, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang bawat hakbang ng restoration efforts upang maibalik agad ang normal na suplay sa buong bansa.
Idinagdag ni Castro na malinaw ang direktiba ng Pangulo na walang dapat mapabayaan at kailangang maibalik agad ang kuryente sa lahat ng komunidad, lalo na sa mga ospital at evacuation centers na umaasa sa tuloy-tuloy na power supply. (Gilbert Perdez)