Advertisers
TULAD ng inaasahan, nagtatago na si Bato dela Rosa. Pinatay ang cellphone, hindi kumontak o nakipag-usap kahit kanino, at hindi malaman kung nasaan. Sa pagbubukas ng regular na sesyon, hindi dumalo si Bato. Walang ibinigay a opisyal na paliwanag sa kanyang pagliban sa Senado at regular na sesyon.
Duwag si Bato. Hindi siya kilala sa tapang at bagsik ng kanyang paninindigan. Maingay si Bato. Pero hindi niya pinangangatawanan ang kanyang ingay. Sa umpisa pa lang, may higing kami na mawawala na lang sukat si Bato sa sandaling sumulong ang sakdal sa kanya sa ICC at lumabas ang arrest warrant laban sa kanya.
Maliban kay Peter Alan Cayetano (tulad na kay Bato, nandidiri kaming tawagin siyang senador), wala na halos kakampi si Bato. Lahat ng nasa gobyerno o kahit na iyong mga eksperto na nasa labas ay nagsasabing marapat lang sumuko si Bato at ipagtanggol ang sarili sa ICC. Hindi pinakinggan ang kanyang drama.
May ulat na bumaba na ang arrest warrant ni Bato at pinatotohanan ito ni Boying Remulla, ang bagong hirang na Ombudsman na pumalit kay Samuel Martines. Hindi namin maintindihan kung bakit hanggang ngayon sinasabing “confidential” ang arrest warrant. Sa maikli, basta dadakpin na lang si Bato at ilalabas lang ang arrest warrant sa sandaling dakpin siya.
Mukhang tuloy-tuloy na ang sakdal laban sa mga namuno sa madugo pero bigong giyera kontra droga ni Gongdi. Mukhang sa bilibid ng ICC magpapasko si Gongdi. Wala na kaming sasabihin na makakasakit ng damdamin. Pero dapat magdusa ang mga nagpasimuno ng pagpatay sa libo libong tao na pinaghinalaan na sangkot sa droga.
Hindi namin alam kung kakayanin ni Bato ang mamuhay sa underground tulad ng ibang kriminal na nagtago sa bansa. Mahirap ang buhay sa underground. Palaging balisa dahil andap sa anumang mangyayari. Hindi makatulog ng maayos dahil maaaring dakpin siya kahit saan at anumang oras. Kaya ba ni Bato ito? Hindi.
Pinakamaganda kay Bato na harapin ang lahat ng paratang sa kanya. Ipaliwanag ang kanyang bahagi sa palpak na digmaan kontra droga. Sabihin niya ang totoo at hingin sa hukuman ng ICC na sana maging mahabagin sa kanya.
Hindi nakakahiya humingi ng habag kahit ipinagkait nila iyan sa mga biktima ng giyera kontra droga. Mas nakakahiya ang tumakbo, magtago, at huwag kilalanin ang pananagutan sa batas at lipunan. Umutang siya ng buhay at pinakamaganda na magbayad niya ito.
***
HINDI namin alam kung magbabago ng isip ang mga lider ng tatlong sekta (o kulto) sa kanilang pahayag na magdadaos ng rali ang kanilang mga kasapi sa Linggo. Sa ganang amin, wala silang pinatutunayan kundi santambak silang mga peste sa buhay. Nanalasa ang bagyong Tino sa bansa at marami ang nasalanta.
Imbes na tumulong upang makabangon ang maraming kababayan sa pagkasalanta sa huling bagyo, mirapat ng kanilang lider na ituloy ang kanilang rali. Mabuti na sa Luneta nila gagawin ang rali dahil kung sa EDSA, magiging peste sila.
Hindi namin nakikita ang saysay ng kanilang rali dahil nasalanta kahit ang kanilang mga kasapi sa mga lalawigan ng dinaanan ng huling bagyo. Hindi namin alam kung tinulungan sila ng kanilang mga sekta. Batid namin ang ipinaglalaban nila. Ayaw nilang makulong si Joel Villanueva. Pero ang pinakamaganda ay hayaan nila gumulong ang katarungan. Huwag pigilin ang proseso ng batas. Hindi naging mabuting mambabatas si Joel, iyan ang totoo.
***
Hindi kami natutuwa sa mga balita tungkol kay Juan Ponce Enrile. May nagbabalita na buhay pero may papasok na balita na namatay na si JPE. May kokontra at sasabihing buhay pa si JPE pero agaw buhay. Napakaraming fake news. Hindi malaman kung ano ang totoo.
Kasalanan ni Jinggoy ito. Hindi na lang hinayaan ni Jinggoy ang pamilya ni JPE ang magbigay ng opisyal na pahayag. Pinakamaganda na harapin ni Jinggoy ang sariling kaso dahil hindi malayo na muli siyang magpapasko sa bilibid. Bilibid or not. Teka, wala pa pala ang mga kaso pero darating iyon. Bilibid or not.