Advertisers
INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang tatlong Chinese nationals sa Santa Cruz, Manila dahil umano sa pag-ooperate ng online cryptocurrency scam kung saan tinatarget ang mga Hong Kong investors.
Ang pag-aresto sa mga suspek ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na paigtingin ang kampanya laban sa mga online scams at POGO-like operations, upang mahinto na ang mga iligal na gawain na nagsasamantala sa Philippine-based online platforms at nambibiktima ng mga dayuhan.
Base sa ulat na isinumite ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, ang pag-aresto ay nangyari noong November 7, 2025, sa isang hotel sa Tomas Mapua Street.
Sa pakikipagtulungan ng government intelligence forces, naaresto ng mga operatiba ng FSU sina Chen Jinhao, 27, at Yang Chao Wen, 37.
Habang isinasagawa ang operasyon, naaktuhan din ng mga ahente ang isa pang Chinese national na si Yu Sun, 50, na nasa loob ng hotel at nagpa-facilitate ng online activities ng sindikato.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Chen ay manager at siyang namamahala sa overall operations ng sindikato habang si Yang Wen naman ang supervisor responsable sa day-to-day management.
Nabatid pa sa ulat na tinatarget ng grupo ang mga Hong Kong investors sa pamamagitan ng fictitious cryptocurrency investment scheme.
Ang panloloko ay ginagawa sa isang silid ng hotel sa Santa Cruz, Manila.
Sa paunang beripikasyon sa BI database, lumilitaw na sina Chen at Yang ay parehong overstaying aliens. Bigo ang tatlong suspek na magpakita ng valid passports o anumang valid immigration documents nang hanapan ang mga ito ng immigration authorities.
Sinabi naman ni Sy na ang tatlong suspek ay agad na dinala sa BI Warden Facility (BIWF) sa Bicutan, Taguig City para sa booking, documentation at verification procedures.
Isinailalim din ang mga suspek sa deportation proceedings. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)