Advertisers

Advertisers

PAANO PALALAKASIN ANG “ICI”

0 5,582

Advertisers

BAGAMAN hayagan nang “kalaban” ng administrasyon, maganda ahg panukala ni Navotas Cong. Tobby Tiangco na suportahan ang kanyang panukala (HB 5699) na gawin nang permanenteng institusyon ang ‘Independent Commission on Infrasctructure’ (ICI) at tatawagin na itong ‘Independent Commission Against Infrasctructure Corruption (ICAC).

Bagaman nga kasi maganda ang intensyon ni PBBM na mapabilis ang imbestigasyon sa bilyones na ‘flood control project scam’ mahubaran ang mga korap at maparusahan nang buuin niya ang ICI nitong Setyembre (EO 94), “tigreng papel” lang ito sa paningin ng karamihan.

Tumibay pa ang hinalang “panakip-butas” lang ang ICI nang ipilit ng mga bumubuo nito na gawing “sekreto” (close door) ang kanilang mga pagdinig.

Sa ganang atin, mainam para sa Palasyo na bigyang-pansin ang panukala ni Tiangco at huwag dedmahin dahil “kalaban” ang nagpanukala nito.

Naniniwala kasi tayong sinsero si Tiangco na makatulong at kung totoong seryoso rin ang Palasyo, walang problema kung kanino man nanggaling ang panukala, hindi ba, mga kabayan?

Kung idadaan naman sa Kongreso, kahit pa gawin itong ‘priority bill’ ng Malakanyang, “mahina” dito ang anim na buwan bago maging isang batas.

Samantala, patuloy na nagbabantay– at naiinip ang taumbayan– sa proseso ng mga imbestigasyon. Aber, kung hindi sila “nabuburyong” hindi na sana magkakaroon pa ng mga protesta ngayong buwan at sa mga susunod na araw.

“Maliit na boses” lang tayo mga kabayan pero, kung gusto ng Malakanyang na mabigyan ng kredibilidad ang ICI sa kasalukuyan, walang masama na amenyadahan ang EO 94 at bigyang diin na sa imbestigasyon sa flood control scam, isa lang– ang ICI– ang “kukumpas” sa buong Ehekutibo.

Translation? Pansamantalang ipailalim ng Palasyo sa kapangyarihan ng ICI ang iba pang mga ahensiya nang gobyerno, katulad ng DOJ, PNP at NBI, etc., habang iniimbestigahan ang eskandalo at hanggang maisampa ang mga kaso sa Ombudsman.

Sa ngayon kasi, “kanya-kanyang pabida” ang mga ahensiya na tingin ng mgq miron ay “sinasadya” upang lahat ay malito.

Mainam din na bigyan na ni PBBM nang sariling pondo ang ICI– P500 milyon agad– upang matigil ang hinala na kaya “atubili” itong magpursige sa imbestigasyon ay dahil “nakadede” sa Palasyo para sa panggastos nito.

Ano sa tingin ninyo, mga kabayan?