Advertisers
Nagsisilbing gabay ng administrasyon ang Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazard) sa pagpapatupad ng bagong Oplan Kontra Baha Program na umano’y layong maibsan ang matagal nang problema sa pagbaha sa mga pangunahing lungsod at lalawigan sa bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nasabing pag-aaral ay nagsilbing pundasyon ng mas sistematikong flood control strategy ng pamahalaan.
Aniya, sa ilalim ng programa, tututukan ng pamahalaan ang mga lugar na madalas bahain gaya ng Cebu, Bacolod, Roxas City, Bulacan, Pampanga, Cavite, Laguna, Pangasinan, Cotabato, Davao, at Cagayan de Oro.
Sinabi ng Pangulo na malinaw sa flood hazard maps kung aling mga pumping stations ang dapat unahing ayusin upang mas epektibong maibsan ang pag-apaw ng tubig.
Paliwanag ni PBBM, ang Oplan Kontra Baha ay hindi na lamang pilot project kundi isang pambansang programa na ipatutupad sa pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs) at ng pribadong sektor.
Kumpiyansa rin ang Punong Ehekutibo na na malaki ang mababawas sa mga pagbaha sa bansa sa sandaling maisaayos at mapalakas ang operasyon ng mga pumping stations, partikular sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa bansa na madalas bahain. (Gilbert Perdez)