Advertisers
Nasawi ang isang walong taong gulang na batang lalaki sa sunog sa Barangay San Martin de Porres, Quezon City.
Sa ulat, 5:30 ng hapon noong Huwebes nagsimula ang sunog na itinaas sa ikalawang alarma ng Quezon City BFP.
Ayon sa tiyahin ng biktima, galing sa eskwelahan ang bata at nagpapahinga sa bahay nang biglang mangyari ang sunog.
“Sa bintana po kami dumaan… Masakit po sa amin kasi siyempre kami ang nagpalaki sa kanya kaya nalulungkot po kami sa nangyari,” saad ng tiyahin.
Ayon sa mga awtoridad, umabot sa walong bahay ang tinupok ng apoy.
Tinitingnan na dahilan ng sunog ang napabayaang kandila matapos maputulan ng kuryente ang bahay na pinagmulan ng apoy.
Ayon sa teport, 6:33 ng gabi nang tuluyang maapula ang sunog. Inaalam pa ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Nanawagan naman ng tulong sa lokal na pamahalaan ang mga apektadong pamilya. (Almar Danguilan)