Advertisers
Nasawi ang dalawang bataat tatlong miyembro ng kanilang pamilya ang nasugatan nang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan sa Sitio Balangabang West, Barangay Balangabang, Kayapa, Nueva Vizcaya, madaling araw ng Nobyembre 10, 2025, sa kasagsagan ng Bagyong “Uwan.”
Sa report, 2:30 ng umaga nang maganap ang insidente habang natutulog ang pamilya ng biktima sa kanilang sala. Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, gumuho ang lupa sa likurang bahagi ng bahay na malapit sa kabundukan, dahilan upang bumigay ang konkretong pader at matabunan ang bahagi ng kanilang tahanan. Agad ginising ng ama ang kanyang asawa at matagumpay nilang nailigtas ang kanilang walong taong gulang na anak, subali’t hindi na niya naisalba ang kambal na limang taong gulang na natabunan ng mga debris.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Kayapa Municipal Police Station at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) nang matanggap ang ulat subali’t ang mga biktima naidala na ng mga first responders sa Lt. Tidang Memorial Hospital, kung saan idineklara nang Dead on Arrival (DOA) ang kambal na biktima.
Muling nananawagan ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) sa mga residente, lalo na sa mga nakatira sa bulubunduking lugar at landslide-prone areas, na manatiling mapagmatyag at agad sumunod sa mga abiso ng paglikas na ipinag-uutos ng mga lokal na awtoridad sa panahon ng bagyo o iba pang kalamidad. (Fidel Coloma)