Advertisers
Suspendido ng 30 araw ang isang board member sa Bulacan matapos mapatawan ng parusa kaugnay ng ethics complaint dahil sa umano’y panghihipo sa kapwa niya miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa regular session noong Hulyo 16 ang rekomendasyon ng Committee on Ethics and Privileges na suspindehin si Board Member Efren Bartolome Jr. dahil sa umano’y disorderly behavior at conduct unbecoming of a member of the Sangguniang Panlalawigan.
Batay sa committee report, nag-ugat ang reklamo sa isang team building at Christmas Party ng Sangguniang Panlalawigan, kung saan inakusa-han ni Board Member Romina Fermin si Bartolome na umano’y hinawakan at pinisil ang kanyang baywang at bahaging malapit sa puwitan nang walang pahintulot.
Naghain si Fermin ng pormal na reklamo noong Mayo 21.
Mariin namang itinanggi ni Bartolome ang alegasyon sa kanyang sagot na isinumite noong Hunyo 9, at iginiit na gawa-gawa lamang ang reklamo laban sa kanya.
Bukod sa 30 araw na suspensyon nang walang regular compensation, inatasan din si Bartolome na sumunod sa pinakamataas na pamantayan ng gender decorum, professionalism, at personal na pagpipigil sa pakikitungo sa kanyang mga kapwa opisyal at empleyado ng pamahalaang panlalawigan.