Advertisers
HUWAG basta maniwala kay dating Kin. Zaldy Co ng Ako Bicol Party List. Walang saysay ang lahat ng kanyang sinabi kung pagbabatayan ang salita si Kin. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party List (ML).
Sa pagharap ni de Lima sa Saturday News Forum, sinabi niya na kung gusto ni Co na kilalanin at paniwalaan ang kanyang mga sinabi sa mga video post mula sa ibayong dagat, marapat na umuwi siya agad sa bansa, sumumpa, at sabihin lahat-lahat ng nalalaman niya sa isang angkop na forum.
Habang nasa ibang bansa siya at nagsasalita ng mga baga-bagay ng hindi sumusumpa, bale wala lahat ng kanyang sinasabi, ani de Lima. May batayan ang paniniwala na may ibang pakay si Co, aniya. May kabatiran (insight) ang sambayanan sa kanyang mga batikos, pero gayunpaman, pinakamaigi na huwag siyang pansinin at seryosohin, aniya.
Nagduda si de Lima sa takdang oras (timing) ng mga pahayag ni Co mula sa ibang bansa. “Iyong timing sa akin ay suspect,” aniya. “Ang hindi natin maiwasan ay iyong timing dahil nga may mga plano na political rally,” aniya.
Sa maniwala kayo o hindi, bahagi ngayon si Co sa isang kilos protesta na ang layunin ay ugain ang gobyerno (destabilization) ni Presidente Bongbong Marcos upang si Sara ang maupo bilang kahalili. Bagaman mahirap paniwalaan na may kakayahan ang pinagsanib na puwersa ng INC, JIL, at KoJC na ibagsak ang pamahalaan ni BBM, nandiyan ang hinala na gagawa sila ng paraan upang palabasin na marupok ang gobyerno ni Marcos.
Hindi kami tanga na papayag ang Simbahang Catolica, mga grupong Christian, at kahit Muslim na hayaan ang mga likong relihiyon upang ibagsak ang lehitimong gobyerno na ganoon kadali at kabilis. Saksi kami sa kalokohan ng INC sa nakalipas kung saan ang relihiyon na nagbabawal sa pagkain ng dinuguan sa kanilang mga kasapi ay sumusuporta sa nag-endoso pa sa mga tiwali at palpak na kandidato sa bawat halalan.
Hindi kami tanga upang basta hayaan ang JIL at KoJC ang magdikta ng kung ano ang tama para sa bayan. Hindi nila monopolyo ang accountabiliy, or pananagutan sa gobyerno habang ang anak ng lider ng JIL ay daaang milyon piso ang kinupit mula sa kaban ng bayan at nilapastangan ng lider ng KoJC ang mga kasaping babae.
*
MARAPAT na balikan ang kasaysayan. Noong 1986, nagsama-sama ang civil society, Simbahan (Catolica, Christian, at Muslim at hindi INC dahil wala sila doon sa EDSA), business community, at reformist faction ng gobyerno sa isang malaking daluyong upang ibagsak ang diktadura. Kung ang hangad ng mga lider ng mga sekta ng INC, JIL, at KoJC ay babagsak ang gobyerno ni BBM sa isang iglap, o sa pamamagitan ng isang malaking rali, nagkakamali sila.
Matagal na proseso ang nangyari noong 1986. Hindi ito naging madali at nakuha sa mga rali. Hindi tanga ang mga kasapi ng ibang relihiyon na basta suportahan ang nagmamagaling na INC, JIL, at KoJC na pawang may mga natatangi pero kakaibang isyu. Hindi magpapailalim ang mga Catolico, Christian, at Muslim sa mga sektang may kakatwang doktrina.
Kaya hindi nalalayo na utot na may mabahong amoy ang rali ng tatlong sekta sa susunod na tatlong araw. Hayaan na lang natin na umutot ang kanilang naimpatsong utak ngunit lalayo tayo dahil ayaw natin ng masansang na amoy. Tulad ng uto, lilipas rin iyan.
Tama si de Lima na walang saysay ang mga sinabi ni Zaldy Co kung hindi siya magbibigay ng sinumpaang salaysay na nilagdaan at may batayan katibayan (ebidensya) at magsasalita sa angkop na forum. Kailangan niyang umuwi sa bansa at harapin ang kanyang mga pinagbibintangan.
Kailangan niyang magpakalalaki.