Advertisers
ITINANGGI ng religious group, Iglesia ni Cristo (INC), ang balitang tumanggap ang kanilang miyembro ng tig-P3,000 para dumalo sa anti-corruption rally nitong Linggo, Nobyembre 16.
Sa video compilation, pinagsama-sama ang mga pahayag ng mga lumahok sa kilos-protesta na hindi sila nakatanggap ng anumang kabayaran.
Hindi naman tinukoy sa video ang pangalan ng mga miyembrong nagsasalita.
“Walang bayad sa amin dito,” ayon sa isa sa mga lumahok sa kilos-protesta.
“Ang dami pong kapatid na Iglesia Ni Cristo na nandito po ngayon. Tapos P3,000 per head? Nagpa-patawa po kayo. Sabi nga ng ibang kapatid dito, baka kami po ang magbigay sa inyo ng P3,000,” ayon naman sa isa.
Kasunod ito ng mga post sa social media na nagsasabing ang mga dumalo sa rally ng INC ay binayaran ng tig-P3,000.
Nagsimula nitong Linggo ang tatlong araw na rally sa Quirino Grandstand para ipa-nawagan ang “accountability at transparency” sa maano-malyang flood control projects ng pamahalaan.
Sa unang araw ng kilos-protesta ay tinatayang nasa 650,000 katao ang mga lumahok dito.
Tinawag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang unang araw bilang “generally peaceful”.