Advertisers
SIKSIKAN at mahinang bentilasyon dahilan ng mga nakakasukang amoy at pagkahawa-hawa ng sakit ang pinangangambahan at nararanasan ngayon ng mga pasyente at bantay ng pasyente sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) sa Calapan City.
Ayon sa sumbong kalunos-lunos umano ngayon ang kasalukuyang kondisyon ng OMPH matapos iulat ng ilang pasyente at bantay ang umano’y kaawa-awang kalagayan sa loob ng nasabing pampublikong ospital na sinasabing hindi pang ospital ang ilang pasilidad dahil sa kakulangan sa espasyon kalinisan at kaayosan na ilang taon na umanong iniinda ng mga pasyente.
Anila hindi na umano tugma ang aktuwal na kondisyon ng ospital sa inaasahang kalidad ng isang pangunahing pampublikong pasilidad pangkalusugan sa naturang lalawigan.
Ilang linggo o buwan ang paghihintay para umano ma-operahan ang ilang elective surgery dahil sa kakulangan ng mga espesyistang doktor at walang pera ang mga pasyente na pambili ng medical supplies na gagamitin.
Kasabay nito, nanawagan ang mga mamamayan kay Governor Humerlito “Bonz’ Dolor na bigyang-prayoridad ang pagsasaayos ng pampublikong ospital, kabilang ang maayos na pasilidad tulad ng mga palikuran, sanitasyon, at karagdagang kagamitan.
Giit nila, mas mahalaga ang serbisyong pangkalusugan kaysa sa pagtatayo ng ibat-ibang imprastraktura sa lalawigan na hindi umano napapakinabangan at mga nakatiwangwang lamang.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang provincial government hinggil sa mga naturang reklamong.
Saganang akin ito na tamang panahon upang gawin ng MIMAROPA Regional Hospital ang kasalukuyang Oriental Mindoro Provincial Hospital dahil sa pagdami ng mga pasyente mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro, malinaw na kinakailangan na itong i-upgrade upang ang bed capacity at serbisyo, para madadagdagan ang mga espesyalistang doktor, modernong kagamitan, at mas maayos na pasilidad para sa emergency at critical care.
Panahon na rin para suportahan ang magandang layunin ng House Bill No. 2116 ni Congressman Arnan C. Panaligan ang magkaroon ng isang regional hospital na magsisilbi sa buong rehiyon.
1.Ang HB No. 2116 ay may espesipikong instruksyon na i-convert ang umiiral na Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) at i-upgrade sa 500-bed capacity, kasama ang upgrade ng equipment, pasilidad, at dagdag na medical staff.
2. Mas mabilis at cost-efficient ang solusyon ng HB ni Panaligan
Ang conversion approach ay gumagamit ng existing hospital infrastructure ng OMPH, kaya’t mas mabilis itong maipapatupad at hindi kailangan maghintay ng maraming taon para sa bagong konstruksiyon.
3. May malinaw na pondo at mekanismo ng implementasyon sa House Bill 2116, kung saan nakasaad ang pinanggagalingan ng pondo: Department of Budget and Management (DBM) at maaaring i-charge sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng Oriental Mindoro. Nakasulat din na gagawin ito sa pakikipag-ugnayan sa DOH at lokal na pamahalaan.
4.Nakatutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng rehiyon. Ayon sa explanatory note, ang OMPH ay kasalukuyang tumatanggap ng mga pasyente mula sa Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at maging Palawan, ngunit limitado lamang sa 100–150 beds.
Ang conversion sa 500-bed regional hospital ay direktang tugon sa aktwal na demand, hindi haka-haka o plano lamang.
5.Pabor sa mga mahihirap at indigent patients. Ang panukala ni Panaligan ay nakatuon sa pagtupad sa “no balance billing policy” ng DOH, na makapagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa ordinaryong mamamayan at mahihirap.
Dahil conversion ito sa isang ospital na kasalukuyang may pasyente na, mas mabilis matatamasa ng mga mahihirap ang benepisyo.
@@@
Anumang reaksyon at suhestiyon i-text sa 0936-8625001/0939-7177977 o di kaya mag-email sa balyador69@gmail.com