Advertisers
MAY grupo na nagpapalutang na kung mag-resign si PBBM, dapat ding mag-resign si VP Sara Duterte, kasi may bahid din siya ng korapsiyon, na-impeach na, at may nagsasabi pang siya ay “luka-luka,” ayon sa parunggit ng beteranong kolumnista, Mon Tulfo.
Pero ano malinaw ang sinasabi ng 1987 Philippine Constitution na tuntunin ng presidential succession: kapag ang President ay namatay, nag-resign, o idineklarang incompetent, o nabalda at hindi kayang gampanan ang tungkulin, ang VP ay otomatikong papalit na Pangulo ng Pilipinas.
Sa kabila ng paratang na gumon sa bisyong ilegal na droga na pinasabog ni Sen. Imee Marcos laban kay PBBM, hindi natitinag ang Malakanyang, at binalewala lang iyon, at itinuring na paninira lamang, at bahagi ng destabilization.
Hindi rin tinanggap ang hamon na para matapos na ang usapin kung adik nga o hindi si PBBM, siya ay magpa-hair follicle test, e bakit daw iyon gagawin, at sabi ng tagapagtanggol ng Pangulo, wala sinoman ang pwedeng pumilit sa kanya na gawin iyon.
Balikan natin ang isyu, paano kung hindi rin qualified ang VP, sino ang pwedeng maging presidente, ayon sa Konstitusyon ng 1987?
Ibig sabihin kung parehong bakante ang upuan ng president at VP, aaktong pangulo ang Senate President – kung halimbawa na mangyari ito, si SP Tito Sotto o kung sino ang pangulo ng Senado.
Acting President lang, pero kung walang Senate president, ang aaktong pangulo ay ang Speaker of the House of Representatives, at sa ganitong pagkakataon, ang Kongreso ay gagawa ng batas para tumawag ng isang special election upang pumili ang taumbayan ng bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo sa loob ng 45–60 araw.
Kaya mahalaga ang posisyong Senate President at Speaker of the House, ayon sa ating Constitution, kasi sila ay pwedeng maging designated successor ng ating gobyerno.
***
Pero may ibang grupo na nais ng extra constitutional para magbago ang liderato ng gobyerno – na ipinakakalat ang sigaw na “Reset” daw na isang military junta at maglalagay ng isang tao na pwedeng pansamantalang mamuno, at lumutang ang pangalan ni San Miguel President at CEO – ang bilyonaryong si Ramon S. Ang at may suporta raw ito ng sektor ng malalaking negosyante ng bansa.
Ibig sabihin, kung totoo ito, mas gusto ay isang hindi politiko ang mamuno sa atin, pero ito ay agad na kinontra ni Ang at sinabi na hindi siya interesado sa politika, at ang tanging gusto niyang gawin ay tumulong lamang sa kung sino man ang nasa poder ng Malakanyang.
Aba, kung iba ang inalok ng ganyan, baka agad na sinunggaban.
At kasunod nito, nagkuwento si Sen. Ping Lacson na siya raw ay kinausap ng isang grupo ng military at negosyante at inalok na maging caretaker ng gobyerno natin, pero siya raw ay tumanggi.
Mapapansin na nitong nakaraang mga araw, “makuwento” si Lacson, kasi biglang nawala sa eksena si Zaldy Co sa eskandalo ng P100-billion insertion sa 2025 national budget na sabi ni Co, utos daw ni PBBM na pinadaan sa ngayon ay nag-resign na si Budget Sec. Amenah Pangandaman.
Sa kuwento ni Ping, yun daw isang DepEd Sec. Olayvar (?) at apo ng pinaalis na Executive Sec. Lucas Bersamin ang nagpa-insert ng P100-B budget na hindi alam ni PBBM.
At sa huling kuwento, kaya pinaalis si ES Bersamin kasi may alam daw ito sa insertion, na itinatanggi ng dating Supreme Court chief justice, at nagbabala siya na wag na wag siyang sisiraan at maghahalo ang balat-sa-tinalupan!
Sa kuwento ni Ping, kung totoo na nagawa iyon ng dalawang maliit na opisyal nang hindi alam ni PBBM, e ano ang ibig sabihin nito – na sa kabila ng bilyon-bilyong intel at confidential fund ni Marcos Jr., hindi siya “nakatunog” man lamang na may asungot na siya ay niloloko.
Hindi man tuwirang sinabi, pinatotohanan ni Lacson na si PBBM ay ano – natutulog sa pansitan, sabi nga ng mga tambay sa kanto, wag naman, senador, wag!
Nasabi ko ito, kaugnay ng kuwento ni Lacson na may kumausap sa kanya na grupo na nais siyang gawing caretaker ng Pilipinas. Ito sa paniwala ko, sorry, Mr. Senator, ay bunga ng “guni-guni” na parang yung isyu ng ghost projects na hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy kung sino-sino ba ang nagbulsa ng trilyong pera ng taumbayan, sa kabila ng milyones nang nauubos sa kaiimbestiga ng Senado, ng Kamara at ng independent commission on infrastructure na nilikha ng Pangulo.
Sinusulat ko ito, sobra pa ring magulo ang istorya ng mga multong proyektong Flood control at mukha ng “kontrolado” na ang istorya para mailigtas ang totoong utak ng pinaka-korap na budget ng Pilipinas.
Nauuwi yata ang lahat sa kuwentong barbero o kuwentong lasing sa kanto ang lahat ng ito.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.