Advertisers

Advertisers

SAAN PUPULUTIN SI HARRY, BATO, CHIZ, BONG GO?

0 89

Advertisers

IYAN ang tanong. Paano na sila ngayon?

Hindi nahalal na senador si Harry Roque, ngunit isa siya sa mga kinasusuklaman na karakter sa bansa. Hindi nakakalimutan ng bansa ang insulto niya kay Leila de Lima nang nakakulong ang huli. “Sana magtagal ka sa kulungan,” aniya. Hindi siya kinagiliwan. Nagtanim ng hangin, bagyo ang inani.

Mistulang isang galisin at sakitin na aso si Harry sa ngayon. Hindi binigyan si Harry ng asylum ng Olanda at itinuro ang Austria bilang bansa kung saan doon siya dapat mag-aaply. Doon kasi siya pumasok bilang pugante sa batas ng Filipinas.

Tumakbo si Harry dahil hindi niya naibigay ang mga dokumento na hinihingi ng Camara de Representante bilang patunay na legal ang pagiging fixer niya ng mga kompanyang POGO sa bansa.Mula Austria, pumasok siya sa Olanda at humingi ng asylum kahit walang malinaw na batayan kung may “political persecution” sa kanya.

Kinalaunan, inihabla siya ng gobyerno sa salang qualified human trafficking na walang piyansa. Lalong nangamba si Harry dahil mabibilibid siya habang dinidinig ang asunto. Binigyan ng libreng tiket si Harry tungo Austria, ngunit hindi nakalipad dahil sa stroke.

Hindi tapos ang kaso ni Harry. Pagagalingin si Harry at kapag magaling na siya, papupuntahin siya sa Austria. Kanselado ang kanyang passport. May red notice siya sa Interpol. Hindi siya makakaikot sa Europa. Titiisin niya ang lamig doon. Malamang ibalik siya sa Filipinas.

Halos isang buwan na nawala si Bato dela Rosa at nagtatago dahil labis na natakot nang ibalita ni Ombudsman Boying Remulla na may arrest warrant na inisyu ang International Criminal Court (ICC). Hindi inintindi ng Korte Suprema ang kanyang petisyon na pigilin ang awtoridad na i-serve ang warrant at dakpin siya.

Hindi malaman kung nasaan si Bato. Tinakbuhan niya ang kanyang gawain bilang mambabatas. Hindi siya dumadalo sa sesyon ng Senado. Kahit anino ay hindi nakita sa Senado. Marami ang haka-haka at naging tampulan siya ng masakit na biro.

May nagsabing tumakas siya gamit ang pintuan sa katimugan. Sa maikli, naging pugante na rin si Bato. Biniro siya minsan ni Ping Lacson na kumunsulta sa kanya kung magtatago siya. Mukhang sa iba kumunsulta si Bato.

Mukhang totoo na may arrest warrant si Bato dahil sa bagsak ng salita ni Boying. “Basta dadakpin na lang siya,” aniya.

Bagaman nagdesisyon ang Commission on Elections (Coemelc) na ilusot si Chiz Escudero sa salang paglabag sa elections laws, hindi nangangahulugan lusot siya sa batas. Isa si Chiz sa kinilala ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa mga senador na nakibahagi sa dinambong na pondo ng gobyerno sa mga flood control project.

Abot sa P150 milyon ang ibinigay umano ni Bernardo kay Chiz. Kasalukuyang nasa proseso ang kanyang pahayag na magiging batayan ng hablang plunder laban kay Chiz at ilang nakaupong at dating senador.

Ayon kay Boying, maaaring isampa ang habla laban sa kanila bago ang ika-15 ng Disyembre. Kasama si Chiz sa mga senador na malamang magpasko sa kulungan. Labis na kabado si Chiz.

Wala pang kumikilos na habla laban kay Bong Go. Ngunit dalawa ang nakaumang laban sa kanya. Maaaring bumaba ang arrest warrant mula sa ICC. Si Bong Go ang nagbigay umano ng pondo sa war on drugs ni Rodrigo Duterte.

Si Duterte ang nagbigay ng utos, si Bato ang nagpatupad ng utos, at si Bong Go ang nagbigay ng salapi, gantimpala, at pabuya sa mga pulis na sangkot sa madugo pero nabigong war on the drugs ni Duterte. Hindi malayo na bumaba iyan anumang oras.

Bukod diyan, may nakaambang asuntong plunder ang iniharap ni Sonny Trillanes laban sa kanya kaugnay ng P623-B proyekto na nakorner ng CLTG Construction na pag-aari niya at kanyang pamilya sa Davao City.

Walang diyan sa asuntong iyan. Pakutyang nawika ni Trillanes, isang dating senador, na bahala na kung ano ang mauna sa dalawang habla.

***

bootsfra@gmail.com