Religious Leaders hinikayat ang mga mamamayan na maging haligi ng etikal na pamumuno sa panahon ng korapsyon
Advertisers
Sa gitna ng lumalalang pagkabahala ng publiko sa korapsyon at paghina ng tiwala sa mga institusyon sa Pilipinas, tatlong kinikilalang religious leaders mula sa tradisyong Katoliko, Muslim, at Hindu ang nagtipon sa isang virtual na interfaith forum upang talakayin ang etikal na pamumuno ayon sa mga kasulatan. Ang forum ay inorganisa ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL) Philippines at International Peace Youth Group (IPYG) Indonesia.
Ginanap noong Nobyembre 29, 2025, dinaluhan ang online forum ng religious leaders, kaguruan, kabataan, media, at peace advocates mula sa Pilipinas at Indonesia. Itinampok dito ang kahalagahan ng etikal na pamumuno na nakaugat sa malasakit, katarungan, at integridad upang muling mabuo ang tiwala ng publiko at mapalakas ang papel ng mga mamamayan, lalo na ang mga kabataan, bilang lider sa kanilang komunidad.
Panawagan ni Dr. Oliveros: Balikan ang Moral na Ugat at Tunay na Pagkakakilanlan
Binuksan ni Dr. Renato Taib Oliveros—isang paring Katoliko, peace advocate, at miyembro ng Jesuits Among Muslims in Asia (JAMIA)—ang talakayan sa iisang mensahe ng mga Banal na Kasulatan: malinaw na tinutuligsa ng iba’t ibang pananampalataya ang korapsyon.
Bagamat malinaw ang mga aral ng Kristiyanismo at Islam laban sa katiwalian, binigyang-diin niya na ang malawakang korapsyon ngayon ay nagpapakita ng puwang sa pagitan ng mga aral at aktwal na gawi ng lipunan.
Hinikayat niya ang kabataan na “balikan ang kanilang tunay na pagkakakilanlan,” hindi lamang ang taong nakikita sa salamin, kundi ang panloob na dangal at espirituwalidad na dapat maging gabay ng etikal na kilos. Aniya, ang tunay na etikal na pamumuno ay nagsisimula hindi sa paggawa ng bagong batas, kundi sa panloob na pagbabago at pagbalik sa mga birtud at mga katuruan ng kasulatan.
Islamic Perspective: Pagkakaisa sa Kabila ng Pagkakaiba at Pagtutulungan
Mula South Sulawesi, Indonesia, ibinahagi ni Prof. Dr. H. Muhammad Galib M., MA—Propesor ng Qur’anic Studies at Tafsir ng Alauddin State Islamic University of Makassar—na ang etikal na pamumuno ay umuusbong lamang sa lipunang pinapairal ang malasakit, kooperasyon, at pagkakaisa.
“Diversity must be approached with compassion,” aniya, upang maging maayos, masigla, at walang alitan ang ugnayan ng tao. Binanggit niya ang Surah Al-Maidah (5:2): “Help one another in goodness and piety, and do not help one another in sin and hostility.”
Hinikayat niya ang lahat na manatiling nagkakaisa at magtulungan sa pagtataguyod ng kapayapaan, anuman ang pananampalataya o kultura, “for we are one humanity.”
Hindu Teaching: Pamumunong Nangunguna sa Halimbawa at Paglilingkod sa Tao
Tinalakay ni Kavi Karnapura Das, missionary Hindu priest at youth lecturer ng International Society for Krishna Consciousness (ISKCON) ang mensahe mula sa Bhagavad Gita (3.21): “Whatever action a great man performs, common men follow.”
Ipinaliwanag niya na hindi uubra ang pangaral tungkol sa integridad kung hindi ito nakikita sa gawa. “[If] you are a corrupt government officer or a leader, and you tell others not to do the same, it will not work. The first principle of ethical leadership must start from leading by example,” aniya.
Hinimok niya ang mga guro, kabataang lider, at mga tagapagbatas na isama ang character formation, disiplina, at servant leadership sa curriculum upang lumaki ang mga kabataang may integridad bilang moral compass.
Kabataang Delegado: Mga Pagpapahayag at Bukas na Talakayan
Sa huling bahagi ng programa, nagpahayag ang mga kabataang delegado ng kanilang repleksyon, at sinundan ito ng isang Q&A session kasama ang mga religious leaders.
Mula sa Pilipinas, ibinahagi ni Jhune Arcy, isang student leader mula sa Ilaya National High School, na sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng bansa, naniniwala siyang ang komunidad na nakaangkla sa pananampalataya at salita ng Diyos ay may kakayahang manaig sa mga pagsubok at magtaguyod ng kapayapaan at pagkakaisa.
Samantala, ayon kay Matthew mula sa Urdaneta City University, “This event on ethical leadership did not only open my mind to new ideas, but reminded me to stay grounded in what truly matters as a leader.”
Ipinahayag ng HWPL Philippines at IPYG Indonesia ang kanilang hangaring ipagpatuloy ang regular na pagsasagawa ng ganitong interfaith learning spaces upang higit pang mahubog ang kabataan bilang etikal, makatao, at makatarungang lider.
Upang mas mapalawak pa ang kaalaman tungkol sa peacebuilding, etika, at interfaith harmony, bukas para sa lahat ang Religious Peace Academy (RPA)—isang self-paced online program kung saan maaaring tuklasin ang iba’t ibang pananaw, paniniwala at mga aral mula sa iba’t ibang relihiyon at kasulatan.
Sa lahat ng nais matuto, maaaring magparehistro nang libre sa link na ito: tinyurl.com/JoinRPANow