Advertisers
WALANG duda isa ngayon sa pinakakilalang miyembro ng gabinete ng Marcos administration si Public Works Secretary Vince Dizon.
Hindi ito kataka-taka sapagkat madalas siya makita sa TV at palagi rin ini-interview ng media kahit nga minsan wala nang kaugnayan sa trabaho at departamento niya ang isyu.
Kamakailan, may isang reel na ini-upload sa Facebook ang nadaanan ko. Doon ay ipinakita na pinagagalitan niya ang isang babae na tila opisyal ng DPWH sa hindi binanggit na lalawigan.
Apparently, nagagalit si Vince dahil wala siyang nadatnang nagtatrabaho sa isang proyekto, na ayon sa kanya ay awarded na.
Baka naman kasi nagsilayasan na ang mga trabahador dahil banned na ni Vince ang kontratista nila. Ha-ha!
Sa gitna ng pananakot este pagsesermon ay binanggit niya na kailangang ayusin ng opisyal ang trabaho, kung ayaw niyang matulad sa mga taga DPWH-Mimaropa na ipinakulong niya kuno.
Lakas niyang makakuha ng credit na siya ang nagpakulong ha, kahit alam niyang wala siyang papel sa kusang pagsuko ng mga ito. Mismo!
Obviously, tinatakot niya ang lady official. Dahil gaya ng alam natin ay kinasuhan na ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang mga taga-DPWH-Mimaropa at iyong iba nga ay nakakulong na matapos kusang loob na sumuko.
Wala naman masama na manakot si Vince, pero tama ba ang ginawa niya?
Dahil kasi sa ginawa niya ay parang hinatulan na niya ang mga taga-DPWH-Mimaropa ng guilty kahit hindi pa nasisimulan ang hearing sa Sandiganbayan.
Maging mas maingat sana siya sa mga sinasabi niya sa publiko. Sapagkat hindi naman siya ang tamang tao para magsabi at humatol kung guilty o hindi ang mga akusado sa korte. Mismo!
Malaki ang pagkakaiba ng inakusahan palang kesa sa nahatulan na matapos ang masusing paglilitis ng isang competent na hukuman.
Sabagay hindi natin masisisi si Vince. Alam naman natin na hindi siya technical person at hindi rin inhenyero.
Natalaga lamang siyang DPWH secretary dahil mahusay siya magsalita at magaling na projection sa harap sa media.
Pero sa totoo lang ay wala talaga siyang kaalam-alam sa trabaho ng isang inhenyero, kaya kung ano lang ang nakikita niya sa isang proyekto ay iyon lang ang akala niyang aktwal na nangyayari.
Pero teka… Bakit pala una niyang sinampahan ng kaso ang mga taga DPWH-Mimaropa kesa sa ibang lugar na mas talamak ang katiwalian gaya ng Bulacan, na inamin pa mismo nina District Engr. Henry Alcantara at ADE Brice Hernandez na may ghost projects lugar nila?
Dahil gusto lang ba niya gawing poster boys sa anti-corruption campaign ng pamahalaan ang mga taga Mindoro dahil mga ordinaryong probinsyano lang sila ?
Pero dapat kwidaw si Vince dahil matindi ang paninindigan ng mga abogado ng mga akusado na inosente at walang kinasangkutang korapsyon ang kanilang mga kliyente.
Sa isang press briefer ay sinabi nila” the flood control project in question is NOT A GHOST PROJECT. It is an almost completed construction activity, which remains structurally sound and serviceable despite several strong typhoons that recently hit the province.”
Paano na iyan kung totoo talaga ang sinasabi ng mga abogado ng mga akusado?
Dapat maghinay-hinay si Vince dahil malamang na mapapahiya siya sa pagkakataong ito. Mismo!
Paala-ala lang kay Vince: ang pamamahala ay hindi nakukuha sa puro ngawa kundi sa maayos na pagpapatupad ng mga umiiral na batas at patakaran. Period!