Advertisers
HUWAG paniniwalaan ang mga grupong nagpapanggap na tagapangalaga ng kaligiran. Hindi sila kakampi ng Inang Kalikasan. Mas kakampi sila ng kanilang pansariling interes. Mahirap na manalig sa kanilang “ipinaglalaban” umano.
May mga environmental group na matindi ang galit sa dredging activity sa tatlong ilog sa matulaing bayan ng San Felipei sa dalampasigan ng Zambales.
Inakusahan ng Save the Zambales Kalikasan Network ng palpak na pamamahala ang LGU ng San Felipe dahil naging sanhi ang dredging sa kanilang tatlong ilog upang magkaroon ng soil erosion. Ngunit hindi ito totoo.
Sinisi nila ang DAO 2019-13 ng interagency komite ng DENR, DPWH, DILG, at DoTr sa soil erosion sa San Felipe. Pinayagan ng DAO 2019-13 ang dredging ng ilog Sto. Tomas, Bucao, at Maloma sa San Felipe.
Ang hampas ng malalaking alon sa panahon ng habagat ang dahilan ng pagkawasak ng mahigit sa 50 bahay at istraktura sa baybay-dagat ng San Felipe. Hindi soil erosion ang dahilan.
Ayon sa mga residente ng San Felipe, hindi naiintindihan ng mga environmental group at resort owner ang bagsik ng mga alon sa panahon ng habagat.
Layunin ng DAO 2019-13 ang ituloy ang dredging ng tatlong ilog upang kunin ang buhangin at bato na ibinuga ng Mt. Pinatubo nang pumutok ito noong 1991 at mapalalim ang tatlong ilog at malayang dumaloy ang tubig-ulan at maiwasan ang baha sa tag-ulan.
Walang gastos ang gobyerno sa dredging ng tatlong ilog dahil mga pribadong kompanya ang humuhukay sa tatlong ilog upang gawing panambak sa ibang lugar ang makuhang bato at buhangin mula sa tatlong ilog.
Hindi ito nauunawaan ng mga enviromental group at pilit silang gumagawa ng gulo. Dumulog sila sa ilang mambabatas upang magkaroon ng imbestigasyon sa alinmang kapulungan ng Kongreso. Hindi sila pinapansin ng mga mambabatas.
May itinakdang dami ang maaaring kunin sa tatlong ilog upang mapanatili ang katiwasayan ng kalikasan.
Ayon sa DPWH Master Dredging Plan, hindi maaaring lumampas sa 30.6 million cubic meters ang maaaring hakutin mula sa tatlong ilog. Ang aprubadong dami ay 17.6 million cubic meters lamang, ayon sa master plan.
May itinatag na Multipartite Monitoring Team ang inter-agency committee upang matyagan kung tinutupad ng mga gumagawa ng dredging ang takdang dami. Dalawang beses kada araw ang monitoring sa pamamagitan ng satellite imaging.
Hindi maaaring basta isawalang bahala ang DAO 2019-13 dahil ito ang legal basis ng kasalukuyang dregding sa tatlong ilog. Marapat lang maunawaan ng mga environmental group ang pangangailangan ng tatlong ilog.
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Ang daming alam nito sa batas ni Cayetano. Di ko nga lang alam kung batas ba ng tao or batas ng demonyo.” – Marivic Agbayani, netizen, kritiko
“It’s a healthy human instinct to celebrate when fascists are defeated. They are anti human after all.” – John Cusack
***
bootsfra@gmail.com