Advertisers

Advertisers

Pinababantayan ni PBBM para maaresto agad…DISCAYA, ILANG DPWH OFFICIALS KAKASUHAN NA SA P100-M GHOST FLOOD CONTROL SA DAVAO!

0 196

Advertisers

ISINIWALAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nadiskubre ng Office of the Ombudsman na ang flood control project sa Kulaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental—na nagkakahalaga ng halos P100 milyon—ay hindi kailanman nasimulan, sa kabila ng mga dokumentong nagsasabing ito ay natapos noong 2022.

Nabatid na ang proyekto ay ipinagkaloob noong Enero 13, 2022 sa St. Timothy Construction Corporation ng mga Discaya.

Batay sa imbestigasyon, ang mga isinumiteng final billing, certificate of completion, at inspection reports ay peke at hindi tumutugma sa aktwal na kondisyon ng proyekto.



Ayon kay PBBM, nang magsagawa ng inspeksiyon ang PNP-CIDG noong Setyembre 25, 2025, natuklasan na walang anumang konstruksyon sa lugar na tinukoy.

Maging ang mga video at larawan na iniharap ng mga respondent ay wala umanong tamang time stamp.



Kinumpirma rin ng mga indigenous peoples at mga opisyal ng barangay, sa kanilang joint affidavit, na hindi nagkaroon ng anumang implementasyon ng proyekto doon.

Sa rekomendasyon ng Ombudsman, pinangalanan sa reklamo ang ilang indibidwal mula sa St. Timothy Construction na sina Cezarah Rowena Discaya at Maria Roma Angeline Remando, pati na mga opisyal ng DPWH na umano’y lumagda at nag-apruba ng mga dokumentong nagresulta sa pagkaka-release ng buong halaga ng proyekto kahit walang nagawa.



Giit ng anti-graft office, ang mga respondents ay kumilos nang may “manifest partiality, bad faith, o gross negligence,” na nagdulot ng “undue injury” sa gobyerno at nagbigay ng “unwarranted benefit” sa kontratista.

Dahil dito, ayon sa Pangulo, inirekomenda ang pagsasampa ng mga kasong malversation through falsification at paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 o anti-graft law laban sa mga respondents.

Kaugnay nito, inatasan ng pangulo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na bantayan kinaroroonan ni Discaya at ng iba pang akusado upang agad silang maaresto kapag naglabas ng arrest warrant ang korte. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)