Advertisers
Maraming gawa ang tao na nakakasira sa kapaligiran higit ang pag-uugaling mapagmalaki at alam ang lahat ng bagay. Ang hindi pagbabalik sa nakaraan ang karaniwang dahilan sa paglagapak na nakakasira sa layon sa kinabukasan. Walang magandang kahihinatnan ang mapag-imbot higit sa mga taong sumusukat sa sala ng iba o sadyang minamali nang maging sangkalan sa layong pansarili. Ang walang pakundangan na paglulubid ng mga salang impormasyon na nakabatay sa ‘di malalim na pagsusuri na sumisira sa iba ang karaniwang gawa ng ilang maambisyong tao na sumasakay sa usapin. At karaniwang may balik na may kasilatan sa halip na kasikatan. At dahil hungkag ang sangkalan na tinuntungan, masakit ang balik at ang pagbawi’y ‘di magaganap sa halip disgrasya ang makakamtan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nasilip ang isang usapin sa kalikasan na tila naghahatakan tungo sa walang agos na ka-ilogan na sinakyan ng grupo na ibig magpakilala bilang tagapagtaguyod ng kagalingan ng kapaligiran sa lalawigan ng Zambales. Sa pagsasaliksik, na batid na may grupo sa lalawigan na tumatayo laban o tutol sa dredging sa ilang lugar na mga dating ilog o ka-ilogan na likas na daluyan ng tubig. Dahil sa pagsabog ng Pinatubo nawala ang daluyan ng tubig ilog at ganap na nabago ang kaayusan sa lugar na naging usapin sa lalawigan. Sa pagkawala ng ilang daluyan ng ilog, ilang makakalikasan grupo at maging ang DENR, ang nagpahayag na dapat ang paghuhukay sa mga nawalang daluyan ng bumalik ang likas na kaayusan sa ilang lugar sa lalawigan. Subalit, may pagtutol sa paghuhukay ang ilang grupong makakalikasan kuno. Sa tindig na ‘di tamang hukayin ang mga daluyan dahil sa kasalukuyang kaayusan na may mga puno na may kataasan. Sa biglang tingin masasabing tama ang pagtutol ng grupo sa dredging ngunit sa pagpapalalim sa usapin, nabatid na ganap na daluyan ng tubig ilog ang nataniman ng mga puno.
Ang hindi nagawang pag-aaral sa nakaraan hinggil sa kaayusan ng lugar ang dahilan na gumalaw ng sala na nagdulot ng ‘di inaasahang pagbaha ng tubig sa mga kapatagan na sinisisi sa paghuhukay sa mga lugar na usapin sa kasalukuyan. Sa patas na tindig, ibig ipabatid na ang kalikasan ang naghahanap sa sariling kaayusan. Ang likas na daluyan ang hinahanap ng tubig na ‘di mahanap sa kasalukuyan dahil sa salang galawan ng tao sa nakaraan. Ang pagputok ng Pinatubo sa nakaraan ang larawan na nagtakda na sala ang pagkakalagay ng mga bagay sa lugar na nasilip ng banyaga at ‘di nagdalawang isip na lisanin ang lugar. Sa pagkagising ng bulkan, muling inangkin ang dating kanya na nawala sa paningin ng mga nanirahan sa lugar sa maraming panahon.
Sa pagbabalik sa usapin ng dredging, ang salang pagtatanim ng mga puno sa loob ng ilang panahon sa daluyan ng tubig ilog ang usapin na ‘di n-aral ng ilang mga makakalikasan. At ang salang tindig na tinatayuan dahil sa pagsisikap sa nakaraan. Ang taniman ng puno ang daluyan ng tubig ilog sa nakaraan ang sanhi ng ‘di mawatas na pagbaha sa ilang lugar sa lalawigan. Sa pagbangga sa kaayusan sa mga kalunsuran, ang pagtatanim ng puno ang salang kaganapan sa kanayunan na tulad ng pagtatayo ng kabahayan sa mga daluyan ng tubig sa kalunsuran na sanhi ng pagbaha. Ang salang nagawa ng kahirapan ang masasabing naglalagay sa mga tao sa peligro ng kalikasan. At sa totoo lang, sala ang pag titindig ng mga kabahayan higit sa ganap na daluyan ng tubig. Higit sa kasalukuyan na ang tubig ulan na ibinubuhos sa isang pagkakataon ay kasing dami ng dapat ibuhos sa buong panahon ng tag-ulan.
Sa paglalahad ng magkaparang kaayusan, malinaw na kailangan na may tumanggap ng salang gawa at kumilos ng kusa ng maiwasan ang pagkasira ng kapaligiran maging ng kabuhayan at buhay ng mga tao sa kapaligiran. Ang makitang may kahinaan ang nagawa sa nakaraan ang tamang tindig ng maiwasan ang maraming kapahamakan sanhi ng kalikasan higit sa taong bayan. Ang ibigay ang pagkakataon na maiayos ang daluyan ng tubig na nasilip ng mga eksperto ang sang-ayunan kung ang tindig ay para sa kapaligiran, maging sa kalunsuran o kanayunan. Ang alamin ang kaayusan sa nakaraan ang tindig na inaasahan at isantabi ang pansariling layon para sa nakakarami. Walang ibig maliin, ngunit umaasa na ang kabukasan ng isip ang pangingibabawin ng lahat higit ang kalikasan ang nakasalang na usapin, maingatan at mapanatili.
Sa kabilang dako, sa usapin ng paglilikas ng mga punong ibig alisin sa mga daluyan ng tubig ilog sa lalawigan ng Zambales, umaasang magagawa na may kagalingan o may paraan na malilipat ang mga puno sa lugar na karapat dapat na ‘di mawawala ang katayugan. Malayo na ang abot ng agham at ang paglilipat ng mga punong ibig mapanatili’y magaganap na may pakinabang sa kinabukasan. Magagawang na ‘di kailangan putulin mga puno at mailipat sa ibang tamang lugar ng mga kaukulang tanggapan ng pamahalaan. At muling gawin ang dredging sa mga daluyan ng tubig sa mga ilog na inalisan ng daluyan sa pagputok ng bulkan at ng salang pagtatanim ng puno sa kadahilanang pangkalikasan. Ang galawang dapat isakatuparan ng maiwasan ang pagbaha at peligro sa lugar na may mga naninirahan.
Sa totoo lang, nakukuha sa pag-uusap ang ‘di pagkakaintindihan ngunit kailangan ng kabukasan sa kagalingan ng nakakarami at ng kapaligiran. Ang maisasalbang kapaligiran ang usapin ng bayan na ‘di dapat pag-awayan ng mga tao na iisa ang layon. Totoong magkaiba sa tindig ngunit iisa ang layon, mapanatiling kapaki-pakinabang sa tao ang kapaligiran na ayon sa likas na kalagayan. Hindi ibig masira ang kapaligiran dahil ito ang iisang mundo na ating tirahan. Ang kumilos sa iisang layon ang pairalin at isantabi ang pansariling lakbayin ang tamang hakbang para sa bayan at mamamayan. Panahon na magkaisa ang tao sa laylayan higit silip ang kaduhapaan ng iilan na nasa pedestal ng kapangyarihan na sinasangkalan ang serbisyo kuno sa bayan.
Panghuli, ‘di magdadalawang isip na ipaabot sa mga kinauukulan na isantabi ang mga pansariling layon sa usapin ng paghuhukay sa mga daluyan ng tubig ilog sa Zambales na masaklap ang tama sa Pinoy na ‘di makawala sa usaping likha ng iilan. Ang kalagayan sa baba tulad ng pagbaha ay usapin ng lahat at ‘di ng iilan. Ang usapan sa kapaligira’y usapan kalikasan na ang Pinoy o ang tao ang nakaharap sa peligro. Ang pagbigay sa tindig sa salang gawa sa nakaraan ay ‘di karuwagan higit ang bayan ang makikinabang. Ang makinig sa tamang tindig na may pakinabang ang mamamayan ang inaasahan sa iilang may pagmamahal sa kalikasan.
Maraming Salamat po!!!!