Advertisers

Advertisers

Winwyn Marquez balik akting, game na sa mother roles

0 23

Advertisers

Ni Anne Venancio

Matapos sumali sa Miss Universe Philippines 2025, balik-showbiz ngayong taon si Winwyn Marquez. Nag-full-time mom muna siya noong 2022 sa anak na si Luna.

Para kay Winwyn, makulay ang kanyang 2025 dahil bukod sa pageant comeback, balik akting na rin umano siya lalo’t nakakapag-adjust na rin ang kanyang anak.

“Kaya na ni Luna makipag-usap ngayon. Alam na niya ang gusto niya, kaya minsan mahirap magsabi ng ‘no,” aniya.

Hindi umano tatalikuran ni Winwyn ang pag-arte. “Acting will always be my first love. Iba pa rin ang pakiramdam kapag nasa set. Excited ako sa bagong action teleserye na ibinigay ng GMA,” aniya.

Game na rin umano ang aktres na tumanggap ng mother roles. “Mas madali i-deliver ang emosyon kapag totoong nanay ka na.”

***

Rochelle Pangilinan inaming nag-ambagan ang Sexbomb girls para mabuo ang ‘Get Get Aw!’ reunion concert

SUCCESSFUL ang 2 rAWnd concert ng Sexbomb na ‘Get Get Aw!’ na ginanap noong December 4, 2025 sa Araneta Coliseum at sa MOA Arena noong December 9.

Buhay na buhay ang mga batang 80s at 90s na pinalaki ng Sexbomb.

Kinuwento ng lider ng grupo na si Rochelle Pangilinan kung paano nga ba nabuo ang kanilang reunion concert.

Aniya sa interbyu sa kanya sa ‘Cayetano in Action with Boy Abunda,’ nagsimula lang ito sa usapan. Tinanong niya raw ang mga dating kagrupo nang nagkita-kita sila kung gusto nilang ituloy ang concert. Game naman daw ang mga ito kaya gumawa na sila ng group chat para planuhin ang naturang concert.

“Sabi ko, ‘Matrabaho ‘to, a, sige.’ Tayo-tayo muna ang producer. Magkano lalabas mo?” tanong ni Rochelle sa mga kagrupo.

Bukod kay Rochelle, nag-ambag daw sina Jopay Paguia, Mia Pangyarihan, Sunshine Garcia at Aifha Medina para sa production cost. Wala rin daw muna nag-ask ng TF kundi pamasahe lang para magkasya ang budget.

“Kasi po ‘pag nagbigay ng TF, hindi talaga siya matutuloy,” ani Rochelle.

At proven nga na malakas ang impact ng Sexbomb girls dahil napuno ng mga ito ang venue. Nakaipon na ang mga batang 80s at 90s at afford na nila ang mga tickets. Iba sumuporta. Full packed!

***

Tom Rodriguez relate sa role sa ‘UnMarry,’ muntik ‘di tanggapin dahil sa annulment kay Carla Abellana

AMINADO si Tom Rodriguez na hindi madali para sa kanya na tanggapin ang role bilang si Stephen, ang mayaman pero problemadong asawa ni Angelica Panganiban sa MMFF 2025 entry na ‘UnMarry.’

Aniya, bumalik umano ang ilang personal na alaala nang unang ialok sa kanya ang karakter.

Matatandaang kinasal ang aktor kay Carla Abellana noong 2020 at nag-file siya ng divorce sa US.

Sey ni Tom, “Sensitibo sa akin ang topic. Pero nung nabasa ko ang script, nakita kong hindi gimmick ang annulment dito. Si Stephen, hateable talaga. Pero tao pa rin siya, puno ng takot at insecurity kaya mali ang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal.”

Para sa aktor, mabusisi ang proseso ng annulment sa Pilipinas. “Magulo, magastos, matagal. ‘Yung iba, dekada ang hinihintay. Sa akin, swerte ako dahil dual citizen ako kaya mas mabilis ang proseso ng divorce. Pero sana magkaroon ng mas maayos na paraan para sa mga relasyong talagang tapos na,” aniya pa.

Kasama ni Tom sa ‘UnMarry’ sina Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo, Eugene Domingo, Nico Antonio at Solenn Heussaff sa direksyon ni Jeffrey Jeturian, prodyus ng Quantum Films at CineKo Productions. Showing sa December 25 nationwide.