Advertisers
Mahigit 22,000 ang sumaksi ng live sa SM MOA Arena noong Linggo ng hapon nang makabawi ang UP kontra DLSU sa Game 2 ng kanilang best of 3 series para sa titulo ng 88th season ng UAAP.
Malalaman natin kung sino sa dalawang unibersidad ang kokoronahan sa men’s basketball. Yung taga-Taft Ave o taga- Katipunan Ave?
Bago diyan ay nasungkit ng UST Growling Tigresses ang kampeonato nang padapaiin nila ang NU Lady Bulldogs. Ikalawang tagumpay nila ito sa loob ng tatlong season. Naipaghiganti na nila ang pagkabigo ng Tiger Cubs at Growling Tigers ngayong taon.
***
7 points, 5 rebounds at 2 steals ang kontribusyon ng tinawag nating alas ng Gilas sa una nilang game sa 33rd SEA Games sa Thailand.
Opo si Poy Erram ang tinukoy nating itinagong player ng Pilipinas. Hindi kaagad siya isinama sa line-up na ipinadala sa mga organizer. Ikinubli dahil sa pabago-bagong regulasyon.
Muntik na ngang hindi pinayagang makasali pero nakalusot din sa huli.
Kaya hayun at malaki naitulong sa W vs sa Malaysia.
Habang isinusulat ang pitak na ito ay nilalaro ang ikalawang match nila sa torneo. Inaasahan na magwagi rin tayo sa Vietnam upang manguna sa ating grupo sa elimination round.
Kailangan talaga may strategy tayo sa mga gustong mang-isang host ng palaro. Dahil tayo ang hari sa basketball sa rehiyon ay siyempre nais nila maging mahina ang ating koponan para kayang talunin. Hindi na nga da best ang nilalahok natin sa SEA Games sanhi ng nasa kainitan pa ang PBA, UAAP at para mabigyan ng pagkakataon magsuot ng ating pambansang uniporme ang iba pang basketbolista.
***
Alam nyo bang nasusulat na magkakampeon sina Coach Goldwin Monteverde at Coach Tab Baldwin sa UAAP.
Nakatakda silang manalo kasi may “win” sila kanilang mga pangalan. Hehe.
Si Thomas Anthony Baldwin nakaapat ng titulo para sa Ateneo Blue Eagles (2017, 2018, 2019 at 2022). Samantala si Richard Goldwin Yu Monteverde nakadalawa na kampeonato sa UP Maroons (2021 at 2024).