Advertisers
HINDI tayo tutol sa lomobong pondo para sa farm to market roads (FMRs) sa 2026.
Kailangan naman talaga ang maayos na mga kalsada patungo sa mga sakahan para sa mabilis na pagbaba ng mga produkto ng mga magsasaka.
Pero itong farm to market roads ay ilang dekada nang ipinatutupad, mula pa kay late President Cory Aquino, at naging priority project ng sumunod na pangulo, si yumaong Fidel V. Ramos, kungsaan nabuo ang batas ng Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 (AFMA).
Kada bagong administration ay binubuhusan ng pondo, bilyones, ang farm to market roads. Pero hanggang ngayon ay wala parin tayong nakikitang matinong FMRs.
Oo! Dito sa Marcos administration, ginawang P33 billion ang pondo ng FMRs, tumaas ng P17 billion kumpara sa 2025 budget.
Iniisip ko kung ano pang FMRs ang gagawin eh hindi naman nadadagdagan ang lupa sa Pilipinas?
Ang maari lamang gawin dito ng Department of Agriculture (DA) na siyang magpapatupad sa proyektong ito ay reperin lang ang mga dating ginawang FMRs, na hirap nang madaanan dahil nagkaroon na ng mga sapa sa gitna at tinubuan narin ng mga damo at puno.
Wala naring liblib na lugar o bundok na gagawan ng kalsada dahil sa ginawang ‘cross country roads’ (na karamihan ay hindi naman nadadaanan) ng nakaraang administrasyong Duterte.
Itong napakalaking pondo sa FMRs para sa 2026 ay dapat bantayan ng publiko. Dahil posibleng sa bulsa na naman ng mga politiko ito pumasok tulad ng sa flood control projects. Mismo!
Kung ako ang tatanungin, sa LGU nalang dapat makipag-ugnayan ang mga taga-DA para sa pag-implement ng sementadong FMRs. Dahil ang mga lokal na opisyal ang nakakaalam kung saan dapat magkaroon ng mga kalsada para sa mga magsasaka. Period!
***
Itong mga Duterte die hard supprters (DDS) o mga pro-Duterte todo ngakngak sila na kasuhan si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng mga katiwalian tulad ng flood control projects, road openings, etc…
Mismong sina Senador Rodante Marcoleta, Sen. Chiz Escudero at ilan pang mambabatas ang nagsisigaw na korap si Romualdez. Oo! Naniniwala naman ako na korap talaga ang pinsan na ito ni Pangulong Marcos, pero walang ebidensiya na magdidin sa kanya?
Kung may ebidensiya itong sina Marcoleta at Escudero sa korapsyon ni Romualdez, bakit hindi nila kasuhan? Eh kasi wala din silang mga katibayan na nangulimbat nga sa kaban ng bayan ang dating speaker.
Sa korte, hindi tatayo ang reklamo o kaso na sabi-sabi lang. Kailangan ang mga resibo, black and white, mga testigo na magpapatunay sa reklamo. Kung wala nito, t’yak mababasura ang reklamo.
Kay VP Sara, marami ang nagsasampa ng reklamo. Kasi nga may mga ebidensiya, may mga resibo, at may mga tumatayong testigo.
Ang mga ebidensiyang ito ay hindi ma-counter ni VP Sara. Ang tanging ginagawa niya ay ang magmura at mangibang bansa para takasan ang imbestigasyon.
Abangan ninyo sa Pebrero 2026, may magsasampa uli ng impeachment laban kay VP Sara. Peksman!
Siyam na araw nalang PASKO na po. Advance Merry Christmas, mga pare’t mare…